NITONG nakaraang linggo ay nasaksihan natin kung gaano kawalang respeto sa mga traffic enforcers ang napakaraming Pilipino. At ilan sa mga ito ay hindi mga ordinaryong klase ng mga motorista, gaya na lang ng isang “kagalang-galang” na piskalya.
Sa napakahabang video ni Gadget Addict sa Facebook, naisalarawan dito ang tunay na ugali ng mga Pilipinong drayber kapag hinuhuli sila ng mga traffic enforcer, o kahit sinumang otoridad.
Imbes na tumalima sa batas ay kukuwestyunin ang traffic enforcer at pipilitin sindakin ang mga ito para lang makalusot.
Kung hindi nagtagumpay ang ganitong paraan ay dadaanin naman sa pagpapa-awa na para bang aping-api sila at walang habag ang mga traffic enforcer natin na hinuhuli sila.
Nakakainis lang ang ugali ng piskal na ito dahil isa siyang alagad ng batas. Kung meron mang dapat na higit na nakauunawa sa batas at unang sumusunod dapat dito, ay sila pang pasimunong pasaway.
Sila pa ang pasimuno ng anarkiya at pagwalang-bahala sa mga batas at alituntunin na sila naman dapat ang nagpapatupad.
Sa pagkakataong ito, tinatanong ko ang sarili ko, sino na ba ang talagang maaasahan nating magpapatupad ng batas? Isa siyang piskalya, ano kaya ang itsura ng mga kasong hawak niya kung batas trapiko lang ay hindi niya kayang sundin nang maayos at payapa?
Mas masakit sa aking mga katanungan ay yung – nadadaan din ba sa ganitong kalakaran ang mga kasong hinahawakan niya para sa pamahalaan dahil isa siyang piskal? Binabalewala rin ba niya ang alituntnin ng batas kapag personal na kapakanan o kapakanan ng mga kakilala at kaibigan na niya ang nasasangkot sa kasong hawak niya?
Dinadaan din ba niya sa pakiusap ang pag-asikaso sa mga kasong napupunta sa mesa niya?
Dahil kung hindi niya kayang sundin ang simpleng batas trapiko, isa sa pinakasimple at pinaka-ordinaryong batas na ipinapatupad sa atin, ano kaya ang itsura ng mga batas sa kasong hinahawakan niya bilang isang piskal?
Maaari ninyong sabihin na medyo wala na yata sa topic si Talyer at mukhang iba na ang binabalangkas ng column niya. Pero isipin natin, kung ang mga makapangyarihang tao ay kayang bastusin ang mga traffic enforcers natin at ang mga batas na ipinapatupad nila, ano pang batas ang kaya nilang bastusin at ipagwalang-bahala?
Kung ang mga traffic enforcers natin ay walang kapangyarihan na magpatupad ng batas trapiko sa mga nasa puwesto at makapangyarihan tulad ng isang piskal, eh papaano pa yung mga may kasong mas mabigat tulad ng drugs, corruption, plunder at iba pa?
Dahil pinapangako ko po sa inyo, sa ibang bansa tulad ng Amerika, Canada, Australia, Singapore at mga bansa sa Europa, yang piskal na yan, sa unang “5-minutes” nang inasta niya, siguradong nakadapa na yan sa kalsada, nakaposas ang braso sa likod at ipinakulong na ng otoridad!
Para sa mga komento, suhestiyon o katanungan, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.