KUNG nabubuhay lang ang nanay ko, 78 years old na sana siya sa araw na ito, July 3. Kaso’y binawian siya ng buhay 25 years ago, ilang araw lang matapos ang kanyang ika-53 kaarawan.
Masakit iyon para sa akin. Kasi nagsisimula pa lang ako bilang isang sportswriter at ang dami kong pangarap at pangako sa nanay ko na hindi ko natupad. Hindi ko naman siguro kasalanan iyon.
Kasi nga, hindi ako nabigyan ng pagkakataong tuparin ang lahat ng iyon, e. Isa pa, yung kaunting naiipon ko bilang pambili sana ng bahay at lupa sa bandang Taytay ay naubos sa pagpapaospital sa kanya. Buti sana kung gumaling siya, e.
Kaso’y nalagutan din ng hininga. Hindi ko naman pinanghihinayangan iyon. Maliit na halaga iyon kupara sa lahat ng nagawa niya para sa akin.
Kaya nga inggit na inggit ako sa mga kaibigan kong may mga ina na ang edad ay otsenta pataas. O kahit na mas bata pa kaysa otsenta. Basta’t kasama pa nila ang kanilangnanay, okay yun!
Na-enjoy nila at patuloy na na-eenjoy ang kalinga ng kanilang ina. Kahit matanda na ang nanay nila’y puwede nila itong takbuhan at hingan ng tulong, hindi pinansiyal kundi ispiritual at iba pa. Napakasusuwerte nila!
Napakalaking kawalan para sa akin ang pagpanaw ng aking ina. Sa kabuuan ng elementary ko’y inihahatid at sinudsundo niya ako sa eswelahan. Kahit noong first year high school ako sa Mapua Tech ay ganun pa rin.
Natigil lang noong second year, e. Kaya tampulan ako ng tukso ng mga kaklase ko noon. At kung minsa’y hanggang ngayon kapag nagkikita kami.
Alam ko masama ang loob niya sa akin kasi hindi ko tinapos ang kursong engineering na siyang pinangarap niya para sa akin. Pero, at the same time, alam kong masaya siya dahil sa natupad ko ang pangarap kong maging isang manunulat.
Kanya-kanyang hilig iyan, e. Noong ipinaglalaban ko ang gusto ko, sinabi ko sa kanya na kung magiging engineer ako, ako ang magiging pinakabobong engineer. Pero kung magiging writer ako, ikararangal niya ako.
Siguro, sa puntong ito’y tinupad ko ang isa sa mga naipangako ko sa kanya. At kahit na nawala siya noong 1988 ay naniniwala akong ginabayan niya ako sa landas na ninais kong tahakin.
Kasi, tuwing may mga bagay na hindi ko maintindihan, may mga problemang nagpapabigat sa aking dibdib, mga kaganapang nais kong ipagbunyi, mga karangalang nakamtan ko, palaging siya ang naiisip ko’t kinakausap.
Alam ko na ang ganitong pakiramdam ay nadaraanan din ng mga kaibigan kong nawalan ng nanay. Noong ngang Mayo 30 ay binawian ng buhay ang ina ng aking kaibigan si direk Francis Nel Jopillo at naitanong niya sa akin, “How do you cope with it?”
Mahirap. Matagal mawala ang sakit. Para ngang hindi nawawala, e. Ang maganda lang diyan ay kasama mo siya palagi. Forever siyang nasa puso’t isipan mo. Maiintindihan mo rin yan. Iyon na lang nang nasabi ko sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.