Pamimigay ng relief goods ni Kris sa mga biktima ng baha walang kulay politika
Nakaplanong bumisita sa mga kababayan natin sa Marikina si Kris Aquino nu’ng Lunes nang gabi. Inasikaso ng kanyang staff ang pamimili ng mga ipamamahagi nila sa mga binahang Marikenos.
Napakarami nilang pinamili, ang laman ng bawat supot ay sapat nang ikabuhay ng bawat tatanggap nang tatlo hanggang apat na araw, dahil kumpleto ang laman ng iniayos nilang pampamigay.
Katwiran ni Kris ay hindi sapat ang basta pagrampa lang sa Hollywood, kailangan niyang kumilos para makatulong sa ating mga kababayan, gagawin niya ‘yun sa isang panahong wala siyang anumang upuan sa pamahalaan.
Grabe ang nangyari sa Marikina, tumaas nang tumaas ang tubig-baha lalo na nang magpakawala ng tubig ang dam, literal na basang-sisiw ang mga kababayan natin sa siyudad nang ilikas na sila.
Nakakalungkot lang na habang nakabingit na ang buhay ng ibang tagaroon ay ayaw pa rin nilang iwanan ang kanilang mga bahay dahil sa takot na wala na silang madatnan pagkatapos ng kalamidad.
Ganu’n daw kasi ang naganap nu’ng panahon ng Ondoy, pagbalik nila ay ninakaw na ang kanilang mga kagamitan, kaya hirap na hirap silang bumangon.
Sa kabila ng kanyang pagtulong ay madiing sinasabi ni Kris Aquino na hindi siya papasok sa mundo ng pulitika.
Kapipirma lang niya ng kontrata sa malalaking kumpanya-ahensiya at malinaw na nakasaad du’n na hindi siya kakandidato sa anumang posisyon sa darating na eleksiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.