Zaijian Jaranilla wapa pang gf: Ayoko po kasi ng stress!
ANG batang cute na gumanap na Santino sa seryeng May Bukas Pa ay binatilyo na ngayon.
Turning 17 na si Zaijian Jaranilla sa Agosto 23 at nasa junior high na sa Angelicum College.
Isa si Zaijian sa cast members ng primetime serye ng ABS-CBN na Bagani na humarap sa entertainment media kamakailan sa farewell at thankagiving presscon ng Star Creatives para sa pagtatapos ng programa.
Nakatali pa ang buhok ng binatilyo nang dumalo sa presscon, na ayon sa kanya’y uso ngayon.
Kasama namin sa lamesa si katotong Ogie Diaz, na manager din ng lead star ng Bagani na si Liza Soberano at biniro nga nito kung tuli na si Zaijian. Sagot nito, “Tito Ogie talaga, four months pa lang po tuli na ako.”
Tinanong namin ang batang aktor noong siya pa si Santino kung natatandaan niya kung sino ang parati niyang sinasabing crush niya, napangiti siya bigla at binanggit namin ang pangalan ni Cristine Reyes.
“Oo nga po, eh. Hindi ko po alam kung bakit, sabi ko nga crush ko siya,” pag-amin din ni Zaijian.
Hirit naming tanong kung hanggang ngayon ba ay crush pa rin niya si Cristine, umiling nang mabilis ang aktor.
May girlfriend ka na ba? “Wala po, ayoko po ng stress. Nakaka-stress po pag meron,” tumawang sagot ng binatilyo.
Sa madaling salita, nagkaroon na ng karelasyon si Liksi (karakter niya sa Bagani), “Wala po,” natatawa pa niyang tugon.
Sabi namin natural lang sa mga kabataan ngayon na magkaroon ng crush o tinatawag na puppy love dahil na rin sa tuksuhan sa eskuwelahan. Ang maganda kay Zaijian ay seryoso siya sa pag-aaral dahil gusto niyang makatapos agad.
Bilang si Liksi, siya ang pinakabatang Bagani at inamin ng batang aktor na sa unang beses niyang pagganap sa isang fantaserye ay talagang nahirapan siya, pero dahil sa tulong ng buong cast at mga direktor na sina Richard Arellano at Lester Pimentel ay nagawa naman niya nang maayos ang karakter niya.
Unang beses din niyang nakatrabaho sina Liza at Enrique Gil pero naging close raw kaagad sila pati na rin ang Babaylan sa serye na si Dimples Romana.
“Hindi lang po siya (Dimples) Babaylan sa Bagani, Babaylan din po siya sa totoong buhay.
Ang dami po niyang advice na naibigay sa amin at naitulong niya, kaya tita Dimps salamat po.
“Sobrang nagpapasalamat din po ako sa Team (Bagani) dahil ‘yung sa production sobrang hirap ng ginagawa namin everyday, hindi po nawala ‘yung mga ngiti namin sa kada araw kahit gaano kahirap, ang saya po sa set,” kuwento ni Zaijian.
Sa tanong kung anong paboritong eksenang ginawa niya sa Bagani, “Siguro po nu’ng nagsimula na po ang journey ko as Bagani.”
Kaya abangan ang huling linggo ng Bagani para malaman kung ano ang kahihinatnan ng Sansinukob at ng mga bayani nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.