SA inilabas na balita ng Metropolitan Manila Development Authority ay sinasabi na ipatutupad na ang tinatawag na High Occupancy Vehicle (HOV) ruling sa kahabaan ng EDSA. Ito ay bunga na rin ng hindi na mapigilang pagsama ng trapiko sa lansangang ito.
Hindi tayo sinagot ni MMDA General Manager Jojo Garcia nang tanungin natin kung ang policy ay para sa buong kahabaan ng EDSA, isang linya lang o mas madaming linya.
Sa California at Washington, depende sa siyudad na nagpapatupad, ang HOV lanes ay “one lane or two lanes deep” at ito ay “situated at the innermost lane” ng highway.
Ibig sabihin, mayroong express lanes ang mga sasakyang masa madaming sakay kaysa sa mga sasakyang driver lang ang laman.
Laging inaalala ng ganitong batas ang karapatan ng iba pang mga motorista na dapat ay may access din sa lansangan dahil pera nila galing sa buwis ang ginamit panlatag ng mga lansangang ito.
Sa balak ng MMDA, kung kabuuang EDSA ang pinaguusapan nila, maaaring makalabag ito sa ilang panuntunan sa batas, lalo na ang pagsingil ng Road Users Tax na isang sistema kung saan nabili na ng may-ari ng kotse ang pribilehiyong gamitin ang lahat ng lansangan sa bansa.
Nasabi kong pribilehiyo, dahil ang pagmamaneho ay isang pribilehiyo at hindi karapatan. May karapatan kang maglakbay pero pribilehiyo lamang ang magdala ng sasakyan sa kalye.
Maaari itong baguhin ng gobyerno kung sa tingin nila ay mas makabubuti ito sa nakararami. Kung titingnan natin ang trapik sa EDSA, kung saan 70 percent ng gumagamit nito ay pribado at mag-isang driver, masasabi natin na hindi nakabubuti sa nakararaming mamamayan ng Metro Manila ang maluwag na pagdaan sa EDSA.
Subalit mapaparusahan din ang ibang mga motorista kung “single-passenger-negative” ang policy sa EDSA. Papaano na ang mga taxi-driver, ang mga TNVS, ang mga tsuper na hinahatid ang kanilang mga amo, ang mga pulis na mag-isang nagrerekorida, ang mga trak driver na maghahatid ng importanteng kargamento sa mga business establishments.
Kung ang hinahabol ng MMDA ay mabawasan ang dami ng sasakyan sa EDSA at gamitin ang ibang ruta tulad ng Quezon Avenue kung papuntang Maynila o Makati galing Quezon City o kaya ang Rizal Avenue kung papuntang Maynila galing ng Caloocan o kaya ang C5 kung galing ng QC, Cainta at iba pa papuntang Taguig o southern part ng Metro Manila, madaming tinatawag na “best practices” nan a nadiskubre sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa Singapore, Amerika at Canada ay ipinapatupad na ang “rush-hour” toll fee sa mga high density streets nila para hindi na ito gamitin ng mga motoristang wala naman talagang business naglalabas ng sasakyan.
Nandaya din ang HOV lanes sa Europa, Australia at America. Ito ay may mga operating manuals and guidelines na na maaaring damputin at gayahin natin dahil hindi naman talaga iba ang problema natin sa kanila.
Maliban na lang dun sa EDSA kung saan hindi magiging epektibo ang HOV lanes sa kaliwang bahagi ng highway dahil mali ang pagkakagawa ng mga flyover at underpasses at MRT.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.