Acid, Team San Mateo kampeon sa monthly finals ng King of Threes
NAGHARI si Ariel Acid Jr. sa individual event habang namayani naman ang Team San Mateo sa team event sa katatapos na monthly finals ng King of Threes sa Taft Food by the Court sa Pasay City noong Sabado.
Bukod sa napanalunang cash prize na P10,000 sa individual at P20,000 sa team ay uusad din sa Grand Finals ang mga monthly champion na sina Acid at Team San Mateo.
Sa Grand Finals na gaganapin sa Mayo 2019, ang individual champion ay tatanggap ng P100,000 premyo habang ang team champion ay mag-uuwi ng P200,000.
Nag-uumpisa na ang qualifying events para sa buwan ng Agosto na ginaganap sa Food by the Court sa Taft at Buendia.
Nagkaroon din ng “Boxer’s Night” 3-point shootout para sa mga pro boxers na inorganisa ng Games and Amusements Board.
Pitong kuwadra ng boxers ang lumahok kabilang si IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas na sumubok din sa individual event.
Naungusan naman ng Team Quibors ang Team Olivetti sa shootout para makuha ang kampeonato at nagwagi naman sa individual event si Jimmy Vallares Jr. ng Team Quibors din.
Sumali rin sa shootout ang mga boxers mula sa stable ng Highland, Grandeza, Survival Camp, Hardstone at Elorde.
Ang King of Threes ay inoorganisa ng Subic Bay Development and Industrial Estate Corporation (Sudeco) at may basbas ng Games & Amusements Board (GAB).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.