SINO ba itong lalaki na nagpakilalang staff ng congressman na taga-Cagayan na hindi yata matanggap na hindi siya pinagbigyang sumingit ng isang matandang taxicab driver?
Sa kanyang asta ay parang tinalo pa niya ang kongresista kahit hindi naman otso ang kanyang plaka.
Pagpasok sa loob ng gate ng Kamara de Representantes noong Lunes ay huminto ang nagpakilalang staff sa guard house at kinausap ang guwardya para pagsabihan ang taxi driver na nasa likod ng sasakyan nito.
Bahagya pa nitong binuksan ang pinto ng kanyang Mitsubishi Montero na ang plaka ay nagsisimula sa letrang “T,” humarap sa taxicab, ibinaba ang kanyang shades, at tinuro ang driver.
Kung alam kaya nung staff na reporter ‘yung sakay nung taxi ganun din kaya ang magiging asal niya?
qqq
Kung may mga natuwa sa pagkakatanggal ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez meron din namang nakatingin kung ano ang magiging epekto nito sa PDP-Laban o sa kampo ni Pangulong Duterte. Kahit na anong sabihin ay pagpapakita raw ito ng lamat sa relasyon ng mga kakampi ng Pangulo na hindi maganda sa isang namumuno.
Hindi naman siguro maitatanggi na nasaktan si Alvarez at ang kanyang mga kaalyado sa nangyaring rigodon sa Kamara de Representantes.
At sa tingin ng iba ay mas masakit ang naging pagtanggal sa kanila dahil ginawa ito noong araw ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.
Mayroon pang ugong na nais ng kampo ni Alvarez na maging minorya aka tagapagbantay ng mga ginagawa ng gobyerno. Sabagay ganun na rin naman ang ginagawa nila dati, tama ba?
Para naman sa mga kritiko ng administrasyon, malinaw na mayroong lamat sa hanay ng Duterte government. Hindi sila solid gaya ng mga nagdaang administrasyon na iba’t iba ang direksyon ng mga paa ng mga iniluklok sa puwesto.
Isa pang inaabangan ay kung ano ang mangyayari sa puwesto ni Alvarez sa PDP-Laban.
Aalisin ba siya o stay put lang?
Siya ang kasalukuyang secretary general. Ilang beses na natin siyang nakitang umiikot para ipakilala ang kanyang mga napipisil na kandidato sa 2019 mid term elections kasabay ng mga pahayag para ng pagkansela ng eleksyon upang mabigyang-daan ang pangako ng Pangulo na pagpapalit ng Konstitusyon.
Gusto ring malaman ng mga nagmamasid kung paano na ang magiging setup ng pagpili ng mga magiging kandidato ng administrasyon sa Mayo. May say pa ba si Alvarez?
Kung dati ang sinasabi ay dapat sumanib sa PDP-Laban ang mga gustong maging kandidato ng administrasyon, ngayon ay ano kaya ang kanilang tono? At tuloy pa ba ang mga napangakuan na kukuning senatorial candidate?
Kahit na sabihin na malayo pa ang Mayo at sa Pebrero pa naman ang simula ng national campaign, ang paghahain ng certificate of candidacy ay gagawin na sa Oktobre.
Ano na ba ngayon? Agosto na. At sa sobrang bilis matapos ng araw ay sandali lang ‘ber’ na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.