Kuwaiti employer na si Al Qattan dapat i-blacklist!
UMANI ng kabi-kabilang batikos ang naging pahayag ng Instagram star ng Kuwait na si Sondos Al Qattan.
Ayaw niyang bigyan ng rest day ang Pinoy OFW at hindi rin siya payag na hindi hawak ng employer ang pasaporte ng Pinoy.
Tutol siya sa naging kasunduan ng Pilipinas at Kuwait tulad ng hindi na puwedeng hawakan ng mga employer ang pasaporte ng OFW at importanteng mga dokumento nito.
Hindi rin nila maaaring kumpiskahin ang mobile phones at gadget ng kanilang household help at kailangang bigyan ng isang araw na day off sa kada linggo. Dapat din silang payagan na magluto ng sarili nilang pagkain.
Ayaw ito ni Al Qattan. Tanong niya: Paano umano kung takasan siya ng naturang OFW? E di walang sasagot sa mga ginastos niya para rito!
Pinagdidiinan niya na lalabas siyang talo sa bandang huli dahil hindi nga naman niya mababawi ang ginastos sa pagkuha sa OFW kung lalayasan lamang siya. At dahil sa ganyang mga kadahilanan, hindi na raw siya kukuha ng Pinoy para manilbihan sa kanya.
Pero bago pa man mangyari iyon, bago pa man tuluyan niyang tanggihan na hindi na siya kukuha ng manggagawang Pinoy, kaagad namang umapela ang ilang grupo ng Pinoy sa Kuwait at ipinadedeklarang blacklisted na itong si Al Qattan upang hindi na ito maaaring makakuha pa ng Pinoy OFW.
Hirit pa ng mga OFW dapat bawiin ni Al Qattan ang naging pahayag nito at magbigay ng kaniyang public apology.
Pero malabo yatang mangyari iyon. Mukhang walang balak ang babae na gawin iyon.
Ngayon, tila kinakarama na siya dahil may kumakalat na balita na nag-pull out na ang isang cosmetic brand na iniendorso niya.
Hindi lang mga OFW ang tuwirang binira ng naturang modelo. Tinutuya rin niya ang sarili niyang bansa, ang Kuwait, matapos itong pumayag sa kasunduang nagbibigay proteksyon at nagpapalakas sa karapatang pantao ng mga Pilipino sa Kuwait.
Ipinagtataka lang ng ating mga kababayan, bakit labis siyang nababahala na baka takasan siya?
Dahil wala nga namang dapat ikabahala ang isang matinong employer kung makatao naman ang trato nito sa kaniyang manggagawa.
Inaasahan ang mabilis na pagkilos ng pamahalaan sa paglalabas ng direktibang nagbabawal na padalhan ng Pinoy OFW si Al Qattan sa pamama-gitan ng proseso ng blacklisting.
Masaya ang ating mga kababayan sa positibong reaksyon na ito, patunay lamang na may ngipin at pangil ang naturang kasunduan.
Malakas na mensahe rin ito na nais nilang iparating sa mga abusadong employer na seryoso ang Pilipinas sa pagpapatupad ng naturang kasunduan at hindi ito papayag na balewalain ng sinuman. Sabagay, kung hindi naman sila sang-ayon sa naturang kasunduan, malaya silang kumuha ng ibang lahi. Kung namimili sila, sana makapamili rin ng matinong employer ang ating mga kababayan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.