MAHIGIT 20 katao na ang naiulat na nasawi sa mga insidenteng dulot ng tatlong magkakasunod na sama ng panahon na nagdala ng matinding pag-ulan sa iba-ibang bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa mga awtoridad Lunes.
Isa ang nasawi sa landslide sa Bontoc, Mountain Province; may nalunod habang tumatawid sa ilog sa Guihulngan City, Negros Oriental; may nasawi nang mabagsakan ng malaking bato ang kanyang bahay sa Vallehermoso, Negros Oriental; at isang 11-anyos na bata ang nalunod nang maanod habang naglalaro sa gilid ng creek sa Caloocan City, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Naitala ang mga naturang insidente noong kalagitnaan ng Hulyo, nang magdala ng masamang panahon ang bagyong “Henry.”
Pero ayon sa iba pang ahensiya, di bababa sa 16 pa katao ang nasawi sa kasagsagan ng mga pag-ulang dala ni “Henry,” ng bagyong “Inday,” at ng bagyong “Josie,” na kalalabas lamang ng bansa.
Nalunod ang isang lalaki nang itaob ng malalaking alon ang kanyang bangkang pangisda malapit sa Calatagan, Batangas; at isa ang nalunod sa creek sa Cainta, Rizal, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Calabarzon.
Dahil naman sa sama ng panahong dulot ni “Josie,” nasawi sa landslide sina Nina Pernito, 28, at 1-taong sanggol na si Janna Pernito ng Brgy. Pag-asa, Sablayan, Occidental Mindoro; at nabagsakan ng puno si Jessie Manzo, ng Brgy. Sta Lucia, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Sa Mansalay, Oriental Mindoro, kapwa nalunod naman sina Henry Pastor, 20, at Eddie Gado, 40, ng Sitio Maalin, Brgy. Maliwanag, aniya.
Sa Bataan, di bababa sa apat ang nasawi sa malawakang pagbaha na dulot ni “Josie.”
Nalunod sa baha si Garry Cabiling, 49, habang tumutulong sa pagsagip sa kanyang mga kapitbahay sa Brgy. Bamban, Hermosa, Linggo ng umaga; habang nakuryente si Philip Cordova, 40, ng Brgy. Cupang Proper, Balanga City, nang araw ding iyon, sabi ni Senior Insp. Michelle Depano, tagapagsalita ng provincial police.
Noon ding Linggo, nasawi sina Ronel Aniban, 25, at Raymond Rapsing, 13, nang mabagsakan ng pader ng isang subdivision na nabuwal dahil sa matinding ulan, sa Brgy. Cataning, Balanga City, ani Depano.
Naapektuhan ng mataas na pagbaha ang Balanga, Hermosa, Dinalupihan, Orion, Samal, at Pilar, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Central Luzon.
Sa Cordillera, dalawang lalaki ang nalunod nang maanod habang tumatawid sa mga ilog sa Itogon, Benguet; at Alfonso Lista, Ifugao, ayon sa ulat ng regional police.
Sa Guimbal, Iloilo, isang 9-anyos na batang lalaki ang nalunod matapos ring maanod, habang tumatawid sa creek, nitong Linggo, sabi ni Supt. Joem Malong, tagapagsalita ng Western Visayas regional police.
Bago iyo’y dalawang bata ang nasawi sa landslide sa Barbaza, Antique, na bahagi ng parehong rehiyon.
Matatandaan na dalawang bata rin ang nasawi nang maguhuan ng lupa ang kanilang bahay sa Agoo, La Union.
Ayon sa NDRRMC, mahigit 900,000 katao ang naapektuhan ng mga pagbaha’t iba pang insidenteng dulot ng bagyong “Henry,” “Inday,” at “Josie” sa Ilocos region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Cordillera.
Umabot naman sa 379,905 katao ang nagsilikas, habang di bababa sa P381 milyon na ang naitatalang halaga ng pinsala sa imprastruktura at agrikultura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending