Pulse Asia: Trabaho, presyo gustong marinig sa SONA
ANG paglikha ng maraming trabaho at pagkontrol sa presyo ng bilihin ang nangunguna sa nais na marinig ng mga Filipino sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Duterte, ayon sa survey ng Pulse Asia.
Sa tanong kung ano ang nais na marinig sa SONA, ang sagot ng 56 porsyento ay paglikha ng maraming trabaho.
Nais naman marinig ng 52 porsyento kung ano ang gagawin ng gobyerno upang kontrolin ang presyo ng mga bilihin.
Sumunod naman ang pagtaas ng sahod (48 porsyento), pagbawas sa kahirapan (33 porsyento), Endo at kontraktuwalisasyon (27 porsyento), pagpapatuloy ng paglaban sa iligal na droga (26 porsyento), paglaban sa katiwalian (16 porsyento), pagprotekta sa teritoryo ng bansa (16 porsyento), federalism (5 porsyento) at charter change (3 porsyento).
Sa tanong kung sa kanilang opinyon ano ang pinakamahalagang nagawa ni Duterte, nangunguna sa sagot ang paglaban sa iligal na droga (69 porsyento).
Sumunod naman ang paglaban sa krimen (50 porsyento), pagtaas sa sahod ng pulis at sundalo (30 porsyento), paglaban sa katiwalian (28), libreng matrikula sa unibersidad at kolehiyo (21).
Paglikha ng trabaho (15), pagbabalik ng tiwala ng tao sa gobyerno (11), pagpapaganda ng ekonomiya ng bansa (11), pagpapalawig ng validity ng lisensya sa pagmamaneho ng limang taon (10), at pagbawas sa kahirapan (8).
Ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng bilihin (8), 10 taong passport validity (7), pagtanggal ng deposito sa ospital (6), pagpapababa ng personal income tax (5), libreng Wi-Fi sa pampublikong lugar (3).
Tinanong sa survey ang 1,800 respondents mula Hunyo 15-21.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.