NAGBUBUNYI ang buong sambayanang Pinoy dahil sa pagpapabagsak ng Pambansang Kamao sa kanyang katunggaling si Lucas Matthysse na mas malaki at mas siksik ang katawan kesa sa kanya.
Maraming nagduda sa kapasidad ni Pacman, mukhang luluhod daw siya kay Lucas dahil sa kabangisan nito sa ring, nakakatakot nga naman ang record ng Argentinian na wala pang katalu-talo sa lona.
Pero tama ang mga ipinaglabang punto ni Senador Manny Pacquiao na hindi ibang tao ang makasusukat sa kanyang kapasidad kundi siya mismo, siya ang unang-unang makakaalam kung kaya pa niyang makipagsukatan ng lakas o hindi na, hindi ang mga miron.
Siya ang may katawan, alam niya kung hanggang saan na lang siya, kaya nang tanggapin niya ang pakikipagtuos kay Matthysse ay maraming bumaligtad ang paniniwala sa unang pagdududa sa kanya.
Takot nga naman ang pumapatay sa tao. Sino ba ang mag-aakala na sa katawang meron si Matthysse ay tatlong beses pala itong paluluhurin sa lona ng Pambansang Kamao?
Walang trapik nu’ng Linggo nang umaga hanggang tanghali, tumutok talaga ang buong bayan sa pakikipagsalpukan ni Pacman, ipinagbunyi siya ng ating mga kababayan sa ipinakita pa rin niyang bangis sa lona.
Siyempre’y tamang pagkakataon na naman ‘yun para umeksena ang mga pulitikong personal na nanood sa kanyang laban. Halos bumagsak na ang ring sa dami ng mga pulitikong yumakap at nagtaas ng kamay ng Pambansang Kamao.
Bakit nga naman? Buong mundo ang nakatutok sa pagbubunyi para sa senador-boksingero, kaya bakit pa nila palalampasin ang napakagandang pagkakataong ‘yun?
Mabuhay ang Pambansang Kamao!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.