GlobalPort humirit ng Game 2 vs Rain or Shine
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Meralco vs Barangay Ginebra
7 p.m. San Miguel Beervs TNT
NAGHABOL sa huling yugto ang GlobalPort na tinuldukan ng tres mula kay Jonathan Grey at shot block mula kay Malcolm White para biguin ang top seed Rain or Shine, 114-113, sa quarterfinals ng 2018 PBA Commissioners Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Dahil dito ay nakahirit ng isa pang laro ang Batang Pier laban sa Elasto Painters na nabalewala ang tangan nitong twice-to-beat advantage sa sagupaan.
May pagkakataon ang Rain or Shine na masiguro ang panalo pero nagmintis si Maverick Ahanmisi ng tatlong beses sa kanyang huling apat na free throws.
Sa iskor na 113-111 may 11 segundo na lang ang nalalabi sa laban ay ipinasa ni White ang bola kay Grey sa kanto at walang kaabog-abog na tumira ng tres para maagaw ang kalamangan.
Sa sumunod na play ng Rain or Shine ay sumablay sa tres si Gabe Norwood. Nakuha naman ni Reginald Johnson ang rebound at sa aktong isusubo niya ang bola sa ring ay agad na sumulpot si White para tapikin ang bola papalayo.
Napunta naman ang bola kay Ahanmisi pero kinapos ang tira niya sabay tunog ng final buzzer.
Tinapos ni White ang laro na may 28 puntos at 16 rebounds. Nag-ambag naman si Stanley Pringle ng 21 puntos, siyam na rebounds at siyam na assists habang si Grey ay may 22 puntos para sa GlobalPort.
Si Johnson ay may 24 puntos, 15 rebounds at pitong assists para sa Rain or Shine.
Muling magtutuos ang Rain or Shine at GlobalPort sa Huwebes kung saan ang magwawagi ay uusad sa semis.
Walang protesta
Hindi itinuloy ng TNT KaTropa ang intensiyon nitong iprotesta ang panalo ng San Miguel sa Game One ng kanilang best-of-three quarterfinal series Lunes ng gabi.
Nagbanta kasi si TNT Team manager Virgil Villavicencio ipoprotesta nito ang resulta ng laban at isinulat pa nito sa scoresheet ang mga salitang “under protest” pagkatapos na magtala ng 121-110 panalo ang Beermen.
Gayunman, hindi na itinuloy nina Villavicencio at coach Nash Racela ang planong iprotesta ang laban. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.