Mahigit P48M shabu nasabat sa Maynila, Mandaluyong
MAHIGIT P48 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Maynila at Mandaluyong City, Miyerkules ng gabi at Huwebes ng umaga.
Sa pinakahuling operasyon, naaresto si Joshir Bernardo nang makuhaan ng P47.6 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa Brgy. 779, San Andres Bukid, Manila, sabi ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.
Si Bernardo, 29, ay isa sa mga pusher na pinakikilos ng drug lord na si Ernesto Fernandez Jr. alyas “Loloy,” na kasalukuyang nakapiit sa Taguig City Jail, sa pagpapakalat ng droga sa Metro Manila at Calabarzon, ani Eleazar.
Isinagawa ng Regional Drug Enforcement Unit at Manila Police District Police Station 6 ang operasyon laban kay Bernardo sa panulukan ng Aviadores st. at Depino st., dakong alas-4.
Unang nakabili ang mga operatiba ng 1 kilo, o P6.8 milyon halaga, ng shabu mula sa suspek, kapalit ng inisyal na P900,000.
Lingid sa kaalaman ng suspek ay peke lahat ng P1,000 papel na ibinayad ng mga operatiba, maliban sa isa.
Nang madakip si Bernardo ay nakuhaan siya ng anim pang pakete na may kabuuang 6 kilo, o P40.8 milyon halaga, ng hinihinalang shabu, ani Eleazar.
Kinumpiska rin ng mga operatiba ang cellphone ng suspek at ang Nissan Cefiro (XSA-507) na kanyang ginamit sa pagdadala ng droga.
Una dito, naaresto ng pulisya ang isang Junel Sulit, nang makuhaan ng P452,000 halaga ng hinihinalang shabu, sa buy-bust sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Si Sulit, 30, kilala rin sa mga tawag na “Jonnel Sulit Royo” at “Balong,” ay lider ng isang drug group na may kinalaman din umano sa panghoholdap, sabi ni Senior Supt. Bernabe Balba, direktor ng Eastern Police District.
Dating miyembro si Sulit ng grupo ni Anthony Gaspar, na sangkot sa mga panghoholdap at pagbebenta ng droga sa Pasig, Mandaluyong, San Juan, at mga katabing lungsod, ani Balba.
Nang mapatay si Gaspar ng mga di pa kilalang salarin noong Enero 2017 ay pinalitan siya ni Raffy Picardal, na napatay naman sa isang police operation Setyembre ng taon ding iyon at hinalinhan ni Sulit, anang opisyal.
Isinagawa ng mga tauhan ng San Juan City Police at Mandaluyong City Police ang operasyon laban kay Sulit sa Martinez st., dakong alas-7 ng gabi.
Sa San Juan sana unang dadalhin ni Lagera ang droga, ngunit lumipat siya sa Mandaluyong kung saan siya naaresto, ani Balba.
Nakuhaan ang suspek ng humigit-kumulang 150 gramo ng hinihinalang shabu, P1,000 papel na ginamit bilang marked money, isang granada, at kalibre-.45 pistola.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.