NAUWI sa bugbugan ang ikalawang paghaharap ng Gilas Pilipinas at Australia sa FIBA World Cup Asian Qualifiers Lunes ng gabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Tulad ng una nilang pagkikita sa Group B ay tinambakan ng Australia ang Pilipinas.
Nalamangan ng 18 ng bisitang koponan ang Pilipinas, 48-30, may tatlo at kalahating minuto na lang ang natitira sa second quarter at pinalawig pa ito sa 31 puntos, 79-48, pagkalipas ng anim na minuto sa third quarter.
Sa puntong ito natigil ang laro nang magkaroon ng suntukan sa loob ng playing court.
Nag-umpisa ang gulo nang pabagsakin ni Roger Pogoy ang Australian player na si James Goulding sa 4:01 mark ng third period.
Gumanti naman si Daniel Kickert at siniko sa panga si Pogoy.
Sumali rin sa sapakan ang iba pang manlalaro ng Australia at Pilipinas.
Matapos na i-review ng mga reperi ang video ng game ay pinatalsik ang apat na manlalaro ng Australia at siyam sa Pilipinas.
Sa panig ng Gilas, na-eject sina Pogoy, Terrence Romeo, Jason Castro, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Matthew Wright, Carl Bryan Cruz at ang naturalized Pinoy na si Blatche Rosario.
Ang tanging natira lamang sa laro ay sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood at Baser Amer.
Pinagpatuloy pa rin ang laro.
Nang mag-foul out sa laro sina Fajardo at Norwood ay tinigil na ang laro sa iskor na 89-53, may 1:47 pa ang natitira sa laban.
Bumagsak sa 4-2 ang Gilas at umakyat sa 5-1 ang Australia sa Group B.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.