San Miguel Beermen nauwi ang ika-5 panalo | Bandera

San Miguel Beermen nauwi ang ika-5 panalo

- June 24, 2018 - 12:07 AM

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Meralco vs Rain or Shine
6:45 p.m. Brgy. Ginebra vs Alaska
Team Standings: Rain or Shine (8-1); Alaska (7-2); TNT (7-3); Meralco (7-3); GlobalPort (5-5); San Miguel Beer (5-4); Magnolia (4-5); Barangay Ginebra (4-5); Columbian (4-7); Phoenix (4-6); NLEX (2-8); Blackwater (1-9)

TULUYANG isinara ng nagtatanggol na kampeong San Miguel Beermen ang pintuan sa susunod na labanan para sa NLEX Road Warriors matapos nitong iuwi ang 125-114 panalo sa out-of-town game ng 2018 PBA Commissioner’s Cup Sabado sa Calasiao Sports Complex sa Calasiao, Pangasinan.

Naghabol muna sa walong puntos sa unang yugto ang naghahangad sa ikalawa nitong grand slam na Beermen bago na lamang nag-init sa ikalawang quarter upang agawin ang bentahe na hindi na nito binitiwan tungo sa pagsungkit sa ikalimang panalo sa loob ng siyam na laro.

Napag-iwan agad ang Beermen sa 24-32 bago nito nagawang maitabla ang laro sa 51-all, 3:04 sa ikalawang yugto, bago ibinagsak ang 12-1 bomba para itala ang 62-52 abante tungo na sa pagtatala nito ng ikalawang sunod na panalo at pag-akyat sa solong ikalimang puwesto sa bitbit na 5-4 panalo-talong record.

Nagawa pang itala ng Beermen ang 15 puntos na abante sa 105-90, may 8:52 pa sa laro bago nito tuluyang pinigilan ang matinding pagbalikwas ng Road Warriors na nagawang lumapit sa walong puntos, 118-110, upang selyuhan ang tsansa nitong makaagaw ng silya na may twice-to-beat bentahe sa quarterfinals.

Nagtala ng double figures ang limang starter ng Beermen na sina June Mar Fajardo na may 30 puntos, Marcio Lassiter na may 26, import Renaldo Balkman na may 25, Alex Cabagnot na may 17 at Chris Ross na may 12 puntos.

Nagtala naman si NLEX import Arnett Moultrie ng 43 puntos, 14 rebounds, 1 assist, 2 steal at 2 block para pangunahan ang Road Warriors na nahulog sa ikaapat na sunod na kabiguan at kabuuang 2-8 panalo-talong kartada upang mapatalsik sa kailangang walong koponan sa quarterfinals.

Samantala, sisiguruhin ng Rain or Shine Elasto Painters ang pag-okupa sa isa sa pinag-aagawang dalawang silya na may twice-to-beat advantage sa pagsagupa sa Meralco Bolts habang maghaharap ang Alaska Aces at Barangay Ginebra Gin Kings na kapwa may kani-kanilang target din sa mga laro ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Itataya ng Elasto Painters ang limang sunod na pagwawagi sa pagsagupa sa nabigo sa huling laro na Bolts ganap na alas-4:30 ng hapon habang pilit na babalikwas sa kabiguan ang Aces sa asam nitong manatili sa top two spots ng team standings kontra sa naghahangad ng ikaapat na sunod na panalo na Gin Kings sa kanilang alas-6:45 ng gabi na laro.

Hangad ng Rain or Shine ang ikasiyam na panalo sa loob ng 10 laro na hindi lamang magsesemento sa upuan nito sa natatanging dalawang silyang may dalawang beses tataluning insentibo sa quarterfinals at makaiwas sa posibleng pagkakahulog sa best-of-three quarterfinal series.

Huling tinalo ng Rain or Shine ang Phoenix Fuelmasters, 108-106, upang manatili sa solong liderato sa tangang 8-1 panalo-talong record.

Gayunman, importante sa Bolts na masungkit ang panalo sa pinakahuli nitong laro na hindi lamang magbibigay dito ng tsansang agawin ang isa sa top two spots sa quarterfinals dahil sa posibleng pagkakaroon ng pagtatabla-tabla kundi agad maiuwi ang pinakaunang puwesto.

Nabigo ang Bolts sa huli nitong laro, 85-91, na naghulog dito sa ikatlong puwesto na may 7-3 panalo-talong kartada kasalo ang tumalo rito na TNT KaTropa. Malaki ang tsansa ng Bolts na maagaw ang silya sa quarters kung magkakaroon ng posibleng apat na koponang pagtatabla sa 8-3 karta sa pagtatapos ng eliminasyon.

Huling makakalaban ng Rain or Shine ang naghahangad din sa semifinals na TNT sa Hulyo 7.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Importante rin sa Aces na masungkit ang kabuuang ikawalong panalo na mag-iiwas dito sa alinmang komplikasyon kung magkakaroon ng pagtatabla bagaman inaasahang mahihirapan ito na maisagawa sa pagsagupa nito sa Gin Kings na hindi lamang hangad ang ikaapat na sunod na panalo kundi ang maiangat pa ang puwesto sa sunod na labanan.

Kasalukuyang nasa ikapitong puwesto ang Gin Kings sa bitbit na 4-5 panalo-talong karta at tanging asam na lamang ay ang makuha ang silya sa best-of-three quarterfinals. Huli nitong tinalo ang Columbian Dyip, 134-107.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending