GRABE talaga ang panahon last week. Isang linggo na halos walang tigil ang ulan at sigurado ako maraming naapektuhan at naperwisyo.
Isa na nga rito ang Youth Olympic Games (YOG) qualifying race sa Subic na kasabay din ng 1st Southeast Asian Triathlon Association (SEATA) sprint championships.
‘Yung YOG race ang magde-determine sa limang bansa na maaaring magpadala ng entry sa Buenos Aires YOG ngayong taon.
Limang babae at limang lalaki ang magka-qualify, pero iba’t ibang bansa dapat.
Ang SEATA sprints naman ay gagawin every other year sa pagitan ng SEA Games para meron palaging triathlon race sa Southeast Asia. Isa ito sa pinagmitingan namin sa SEATA Congress na ginanap Sabado ng umaga sa Travelers Hotel sa loob ng Subic Freeport.
Pina-attend din kasi ako ni TRAP at SEATA president Tom Carrasco sa naturang Congress kapalit ni Mon Marchan ng TRAP na hindi nakarating. Bilang chairman ng Philippine Paratriathlon Committee (PPTC) ang aking kwalipikasyon sa naturang meeting.
Kaya nga nasa Subic ako ng apat na araw at wala halos patid ang ulan at noong Sabado ng gabi sa briefing sa mga participants sabi ni technical delegate Melody Tan na magdasal lahat ng participants na bigyan sila ng mas magandang panahon. Ang problema hindi nakisama ang panahon at napilitan nga ang mga organizer na gawing duathlon race ‘yung dapat ay triathlon. Malakas ang alon at marumi ang beach dahil sa dinadalang basura ng alon, so tumakbo muna ng 2.5K ang entries, tapos bike ng 20K at last leg ay 5K run. Nagsimula at nagtapos ang karera sa may ACEA Beach Resort.
Bago pa nagsimula ang karera, nung nakita ko ang mga bansang kasali, sabi ko sa sarili ko ay medyo mabigat ang laban. Nandun kasi ang Japan, China, Korea, Hong Kong, Singapore at iba pang Asian countries, 12 sa boys’ side, 11 sa girls’ side, at nangyari ang kinatatakutan ko nakopo ng mga mga dayuhang kabataan ang mga nakalaang Asian slots sa parehong dibisyon.
At ang masakit, sa girls’ side, pang-anim si Karen Manayon ng Pilipinas at anim na segundo lang siya tinalo ni Hiu Yee Chan ng China para dun sa last slot. Sa last 100 meters na nga lang siya naiwanan ng kalaban niya kaya mangiyak-ngiyak si Karen sa interview namin sa kanya, naubusan daw siya sa huli.
Ang mga bansang nag-qualify ay Singapore, champion si Emma Middleditch, Korea, China, Japan at Hong Kong, samantalang sa mga kabataang lalaki, pinangunahan ni Teppei Tokuyama ng Japan ang qualifiers mula sa China, Hong Kong, Malaysia at Syria. Si Wacky Baniqued ang best placed Filipino pero 13th overall lang siya dahil nalaglag ang sapatos niya sa mounting area ng bikes.
Mabuti na lang at sa SEATA race, kinuha ng magandang si Kim Kilgroe at John Chicano ng Pilipinas ang gold sa kani-kanilang dibisyon. Sa women’s side ay pangatlo lang si SEA Games gold medalist Claire Adorna habang sa men’s side, 1-2 si Chicano at Andrew Remolino.
Nanghinayang si Tom dahil hindi raw natuloy ‘yung training ng mga bata niya para sa race na ito. Sa Portugal sila dapat nag-train, pero nandiyan na ‘yan kaya nga looking forward si Tom sa Asian Games sa Indonesia later this year. Dadalhin niya dun sina Chicano, Nikko Huelgas, Kilgroe, Kim Mangrobang at Adorna, hindi ko natanong kung sino pa ‘yung isang lalaki.
Pero sa totoo lang, alam naming lahat na sa Asian level, mahihirapan pa rin tayo mag-podium finish dahil nga nandiyan ang mga entries ng Japan, China, Korea, Hong Kong, Kazakhstan, Uzbekistan at mga Middle East countries. Pumasok nga lang sa top ten, matutuwa na ako, pero malay natin sa ibinigay na international exposure ng TRAP sa ating mga triathletes, baka may milagrong mangyari.
By the way, nagkita-kita rin kami muli sa Subic nina Mayor Rolen Paulino na kasa-kasama ng TRAP sa first ten years ng Subic Bay International Triathlon. Sumama siya sa amin sa lunch at kasama rin namin sa lunch ang magandang si Anastasia Kirana ng Indonesia, na delegate sa Congress at nagulat ako nung malaman ko na isa siyang motocross rider, 20 years old pero 14 years na sa motocross. Nagkasundo sila ni Mayor Rolen na rider din pala dati.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.