Tatak Pinoy: Matiisin pero umaaray kapag natatapakan | Bandera

Tatak Pinoy: Matiisin pero umaaray kapag natatapakan

Susan K - June 13, 2018 - 12:14 AM

KAPAG nangangailangan ng mga manggagawa ang mga dayuhang employer, hindi maaaring hindi makasama sa kanilang listahan ang mga Pilipino.
Kadalasan pa nga ay mga Pinoy ang unang prayoridad ng mga ito na gustong makuha at magtrabaho para sa kanila.
Siyempre, kilala ang mga Pinoy sa kanilang kasipagan sa trabaho, pagiging tapat at mapagkakatiwalaan, at ang palaging kahandaan sa kahit ano pang trabaho.
Nariyan din ang mabubuti nilang katangian tulad ng marunong makisama, madaling makibagay at talaga nga namang pinepersonal ang trabaho na animo’y kaanak o kadugo ang taong pinaglilingkuran, kaya ramdam ang tunay na malasakit.
Bukod pa riyan, matiisin din ang Pinoy. Napakarami nang mga kasong naengkuwentro ang Bantay OCW hinggil sa mga pagmamalupit sa ating mga OFW lalo na sa mga domestic helpers tulad ng hindi pagpapasahod, pananakit at marami pang iba.
Pero hangga’t kaya pa nilang tiisin, hindi sila magsusumbong sa mga otoridad. Umaasa kasi silang darating din ang araw na mahihinto ang naturang mga pang-aabuso.
Kaya nga lamang, sabi nga ng Pinoy ay may hangganan din naman ang lahat. Dumarating din ang panahon na hihiyaw sila ng “Tama na at sobra na!”
Tulad na lamang ng magkasunod na balita mula sa Taiwan at Hongkong.
Nagsagawa ng rally ang ilang mga OFW sa Taiwan dahil sa hindi umano makatarungang pagtatanggal at pagtrato sa mga nagtatrabaho sa isang kumpanya doon.
Kasama sa paghimok nila sa Labor Ministry na isama ang mga household service workers sa Labor Standard Act.
Sabi pa nila, kahit pa nakararanas ng mga trahedya sa Taiwan, wala silang benepisyong natatanggap mula sa Labor Insurance dahil hindi nga sila sakop ng naturang batas.
Sa Hongkong naman, inilunsad ang signature campaign ng mga domestic workers doon para sa maayos na accommodation at 11 oras na pahinga pagkatapos ng dalawang magkasunod na araw ng kanilang pagtatrabaho.
Target ng grupo na makakuha ng kahit 35,000 na pirma mula sa lahat ng mga domestic workers doon o 10% naman mula sa ating mga OFWs upang makumbinsi nila ang Hongkong government na baguhin ang kanilang standard employment contract.
Isinusulong nila sa Hongkong ang tinatawag na 3W program: wage increase, workers’ rights at working hours.
Tiyak namang matagal na panahon din namang tiniis iyan ng ating mga kababayan. May ilan nga sa kanilang natutulog na lamang sa ibabaw ng washing machine.
Pero dumarating din ang panahon na nasasaktan na sila. Kaya umaaray na nga! At ngayon, nais na nilang iparinig ang kanilang mga boses. Hindi naman sila sadyang mga reklamador!

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending