DAPAT solusyunan ng Commission on Higher Education ang naging problema ng maraming magulang ng mga estudyante na kumuha ng entrance exam sa mga State University and Colleges at Local Universities and Colleges para sa Academic Year 2018-2019.
May mga SUC at LUC na na-late sa pagpapalabas ng resulta ng entrance exam.
Alam n’yo naman sa mga government-run schools, hindi kayang i-accommodate ang lahat ng gustong pumasok dahil sa limitadong resources kaya pagalingan.
Masisisi ba ang mga magulang at estudyante kung sumiksik sila sa eskuwelahan ng gobyerno e ipinapatupad na ang Free Tuition law. Sino ba naman ang ayaw sa libre, lalo at mahirap ang buhay?
Dahil nga hindi kaagad lumabas ang resulta ng ilang paaralan ng gobyerno, parang naiwan sa ere ang mga estudyante na naninimbang kung mage-enroll sa private schools sa takot na maubusan sila ng slot.
Ano nga naman ba ang gagawin nila kung hindi pala sila pumasa o umabot sa quota ng SUC at LUC tapos napagsarahan na sila sa mga pribadong paaralan?
Parang sinisilihan ang pwet ng mga estudyante, ika nga. At dagdag pa sa kanilang iniisip ay ang takot na tumigil sila ng isang taon.
Kung kukuha ka naman ng slot sa private schools, ibig sabihin ay kailangan mo nang maglabas ng pera. Sayang naman kung pasado ka naman pala, napagastos ka na.
Dapat ay tingnan ng CHED kung paano maiiwasan ang mga ganitong problema.
Dahil hindi naman biro ang matrikula sa private universities, may mga magulang na ang tingin ay sa mga computer colleges na nago-offer ng mga course na may in-demand na trabaho.
Alam n’yo naman ang panahon ngayon lahat nalang yata ng trabaho may kinalaman sa computer.
Kahit nga ‘yung cooking course, ang gusto ng mga kumpanya may alam sa computer ang aplikante dahil kailangan daw ito sa inventory.
May mga local government unit na rin na pumapasok sa kasunduan sa mga computer colleges para kanilang mga scholar.
Mas mura ito kaysa magtayo ng eskuwelahan at magpasuweldo ng mga magtuturo.
Kahit naman sabihin na mas maliit ang mga colleges na ito kumpara sa mga universities eh nakikipagsabayan naman sa trabaho ang kanilang mga graduates lalo at hindi sila humihingi kaagad ng malaking suweldo.
***
Aminin, merong mga nagduda kung uulan ng malakas noong Lunes.
Linggo pa lang ay nagsuspinde na ng klase noong Lunes ang ilang lokal na pamahalaan batay sa pagtataya ng panahon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.
Ang duda ng iba ay aaraw, gaya ng ilang suspensyon na ginawa sa nakaraan. Pero nagkamali sila, ang lakas ng ulan noong Lunes. Tumpak ang forecast ng Pagasa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.