PH swimming magkaisa na | Bandera

PH swimming magkaisa na

Dennis Eroa - June 13, 2018 - 12:15 AM

PARA sa isang eksperto o sa maging sa mga usisero lamang sa eksena ng Philippine swimming, nakalulungkot isipin na hindi nakasama sa pambansang koponan si Jasmine Mojdeh na nagpasiklab sa nakaraang Palarong Pambansa sa Ilocos Sur.

Malinaw na biktima si Mojdeh ng pulitika.
Kabilang kasi si Mojdeh sa Philippine Swimming League (PSL) na pinamumunuan ni Susan Papa ngunit ang may karapatang bumuo ng pambansang koponan na lalahok sa 42nd SEA Age Group Swimming Championship ngayong Hulyo sa Trace Aquatic Center sa Los Banos, Laguna ay ang grupo ni Lani Velasco na kabilang sa Philippine Swimming Inc. (PSI).

Umaapaw sa kontrobersya ang PSI na hindi na kinikilala ng Philippine Olympic Committee sa ilalim ni Ricky Vargas at binitiwan na rin ng mga dating sikat na manlalangoy tulad nina Ral Rosario at Akiko Thompson.
Sina Rosario at Thompson ay nakipagsanib ng puwersa sa PSL, isang pangyayari na ikinatuwa ng mga nagnanais ng pagbabago sa swimming.

Ngunit ganito ang problema. Kinikilala ng FINA o Federation Internationale de natation (International Swimming Federation) si Velasco bilang lider ng swimming sa bansa. Ayon kay Papa, iligal na pangulo ng swimming si Velasco.

Ang FINA ay kinikilala ng International Olympic Committee. Kung susuriin ng husto ay dapat sisihin ang FINA sa gulong nangyayari. Sadyang, masalimuot ang palakasan sapagkat malinaw rin na may nakukuhang tulong ang PSI mula sa Philippine Sports Commission na umaalalay din naman sa PSL.

Kung programa sa pagpapaunlad ng swimming ang usapan, malinaw na nasa unahan ng listahan ang PSL na hindi lang nagdadala ng karangalan mula sa iba’t-ibang internasyonal na paligsahan. Napakalaki ng tulong ng PSL sa mga batang manlalangoy na nais makilala at pagdating ng panahon ay makarating hindi lang sa SEA Games, Asian Games kundi mismong sa Olympics.

Sa nakaraang 13th Sen. Nikki Coseteng Swim Championship sa Diliman Preparatory School, umusbong ang pangalan ni Raine Callera na tulad ni
Mojdeh ay may talento at kakayahang kumislap sa mga internasyonal events. Dapat ding banggitin na ito ang ika-137 sa PSL swimming series.

Nais kong ipaabot ang aking kalungkutan sa nagpapatuloy na gusot sapagkat ito ay pambansang isyu.

Isama si Mojdeh sa listahan ng mga kalahok sa SEA Age-Group bagaman hindi siya pinayagang sumali sa tryout dahil sa isang nakakainis na dahilan na kabilang siya sa PSL at hindi sa PSI.

Para sa akin, ito ay magandang simula upang magkaroon, kahit kokonti, ng liwanag ang madilim na daan ng Philippine swimming. Tiyak na matutuwa ang mga taga-PSL at ang mga taga-suporta nito kung maisasama si Mojdeh at malay niyo ito ang maging susi ng pinakamimithing pagkakaisa sa swimming.

Nais ko ring umapela kay Velasco. Alam kong sa kaibuturan ng iyong puso ay nais mo ring ibangon ang kalidad ng Philippine swimming na ‘‘nilunod’’ na ng mga kapitbahay natin sa Southeast Asia.
Ngunit ang pag-alis nina Ral at Akiko ay senyales na hindi na nila gusto ang nangyayari sa PSI. Hindi naman masama kung ‘‘make the ultimate sacrifice’’ at bigyang puwang ang bagong simula sa swimming.

Natitiyak kung aani ka ng papuri kung pumayag na magkaroon ng bagong eleksyon na kung saan ang lahat ay kasali.

Ito rin ang tamang panahon upang mag-usap kayo ni Papa ng masinsinan at mula sa puso ay ‘‘find the common ground.’’ Kalimutan na ang mga pagkakamaling nagawa kundi tumingin sa kinabukasan ng mga manlalangoy.

Aminado akong hindi ko kilala si Velasco at hindi ko siya nakakausap samantalang ilang beses ko ng nakausap si Papa. Maaaring ang ilan ay hindi gusto ang kanyang estilo ng pamamahala (you can’t please them all) ngunit hindi dapat pagdudahan ang kanyang pagmamahal sa swimming.

Malalim na ang sugat na dala ng maraming taon ng pagkakamali sa pamamahala ng nagtatago sa batas na si Mark Joseph ngunit pinaghihilom ito ng panahon.

Hindi ba ang isports ay para sa lahat?

Alamat ni Romy Sotto

Haberdey ang selebrasyon ng kaarawan ni DLSU athletics guru Romy Sotto sa Dampa sa Macapagal Avenue sa Pasay.
Kasama sa grupo ang mga La Sallian na sina Raffy Liwag at Manny Salgado na taon-taon ay utak ng selebrasyonb sa b-day ni Sotto.
Dumating din si Nonoy Unso, alamat ng hurdles, ng siya ngayong secretary-general ng PATAFA, at ang kanyang butihing maybahay. Masaya ang istoryahan lalo’t matagumpay ang Ayala Philippine Open na ginanap sa Ilagan, Isabela.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ayon kay Unso may mga bagong pangalan na malalagay sa training pool. Dahil dito ay may mga matatanggal.
Ganumpaman, hindi nakaligtas si Sotto sa mga biro. At hindi rin naman siya nagkulang sa mga istoryang nakatutuwa mula sa iba’t-ibang personalidad. Mahigit ng 70-taon gulang si Sotto na isang decathlete at beterano ng Asian Games sa Jakarta.
Kondisyon si Sotto na mahal ang numerong 16. Kayo na ang bahalang magtanong kung bakit 16, he, he, he.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending