Robin nag-thank you kay Ryan Bang: Tunay kang nagmamahal sa aming Inang Bayan!
AGAD nilinaw ni Robin Padilla na hindi sagot ng gobyerno ang pagsama ng direktor na si Joyce Bernal sa entourage ni Pangulong Rodrigo Duterte patungong sa South Korea kamakailan.
Ayon kay Binoe si Direk Joyce ang nagbayad sa lahat ng ginastos niya sa pagpunta roon para maghanap ng mga Korean TV at movie producers na tutulong sa kanila para sa mga gagawin nilang proyekto dito sa bansa.
Ipinost ni Robin sa kanyang Instagram account ang ilang litrato ng direktor habang nasa Seoul Film Commission na may caption na: “Sa ngalan ng nagiisang Panginoong Maylikha ang pinakamapagpala at ang pinakamahabagin…isang napakalaking hudyat ang nagawa ni Bb. Joyce para sa sining at pelikula.
“Sinagot nya ang kanyang sariling pamasahe sa eroplano papunta sa sounth korea bilang isang delegado ng ating inang bayang Pilipinas! Pati ang kanyang hotel pati na rin ang pantaxi at pangkain lahat ay sariling gastos niya at ng Spring Productions.
“Napakainam na mabuksan ang pintuan para magkaroon ng partnership! Isang co production! Ang dalawang bansa ay nais na palakasin ang relasyon bilang magkaibigan at magkamag anak.
“Parte tayo ng kasaysayan ng South at North Korea at tanging isang pelikula o tv series lamang ang pinakamalakas na Medium o Daan patungo sa pagkakaintindihan ng kultura at tradisyon ng Korea at Pilipinas.”
Samantala, pinasalamatan din ni Binoe ang Korean TV host-actor na si Ryan Bang sa pamamagitan ng IG photo kung saan makikita ang Showtime host kasama sina Duterte at Special Assistant to the President Bong Go. Kuha rin ito sa isang lugar sa Korea.
“Maraming salamat ginoong Ryan Bang sa pagtulong sa amin na maging matagumpay ang Paglalakbay na ito. Isa kang tunay na nagmamahal sa aming Inang bayan! Mabuhay ka! #JustGOit.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.