NAKATUTOK ngayon ang atensyon ng mga sports officials at athletes sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin dito sa Pilipinas sa susunod na taon.
Pero sana naman ay bigyan pansin din natin ang Asean ParaGames na isasagawa pagkatapos ng SEA Games.
Hindi ko lang alam kung itutuloy na December gawin ito next year o dahil mahirap mag-organize kapag nasa Christmas mood na ang lahat, baka iurong sa January 2020 ito.
Kahapon ay may press conference sa Shangri-La Bonifacio Global City kung saan inilahad ang mga napag-usapan na tungkol sa event na ito na para sa persons with disabilities (PWDs) or ‘yung mas politically correct term daw na differently abled.
Kagabi naman ay may welcome dinner sa mga foreign delegates na nandito ngayon at nagpupulong para nga sa Asean ParaGames.
Last year, tinanggap ko ang posisyon bilang chairman ng Philippine Paratriathlon Committee o PPTC sa ilalim pa rin ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP). Mahirap naman kasi tanggihan ang kaibigan ko na si TRAP president Tom Carrasco.
Actually nga ay may napag-usapan na posibleng mga sports na isasama sa naturang ASEAN ParaGames. Ito ay ang athletics, swimming, chess, table tennis, powerlifting, tenpin bowling, wheelchair dance sport, cycling, wheelchair basketball, archery, judo, goalball, badminton, boccia, sitting volleyball at triathlon o dahil nga para sa mga PWD ito, paratriathlon.
Kaya nga ako interesado dahil last year pa namin pinag-uusapan sa PPTC kung may paratriathlon nga sa Asean ParaGames dahil hindi naman biro ang preparasyon para sa isang international event na ang mga kalahok nga ay mga atletang may iba’t ibang kapansanan at klasipikasyon depende sa kanilang kapansanan.
Pero sa totoo lang, hindi ito ang unang international paratriathlon event na gaganapin dito dahil nag-host na tayo dati ng ganito sa Subic.
At sa darating na Agosto ay kinuha uli ng TRAP ang pag-organize ng Asian Paratriathlon Championship at PPTC nga ang magiging organizer nito.
So pangalawang beses na pag natuloy uli ang paratriathlon sa Asean ParaGames na PPTC ang mangangasiwa sa organisasyon.
Last year pa namin sinimulan ang paghahanap ng mga atleta para sa national paratriathlon training team na kung saan kukuha naman ng mga sasali sa mga international competitions. Pero so far, tatlo pa rin lang ang nakuha sa team ang blind twins na sina Jerome at Joshua, at ang Cebuano na one armed na si Alex Silverio na inaalagaan ng Cebuano triathlon community.
‘Yung twins ay dati nang nakasali sa Asian Championships sa Subic at dun ko nga nakita kung gaano kalayo ang mga Hapon pagdating sa pag-aalaga ng kanilang paratriathletes.
Nakakatulo ng laway ang mga kagamitan na ginagamit nila at malayo pa talaga tayo kumpara sa kanila samantalang si Alex naman, dahil nga may mga sponsors siya sa Cebu katulad ng Parklane Hotel, nakabiyahe siya lately sa Japan at nagkaroon na nga siya ng official classification. Nakasali rin siya sa isang karera sa Yokohama pero naligaw siya sa daan at naka-miss yata ng turn, pero magandang paghahanda niya iyong ganung experience abroad. Sa nakikita ko kay Alex, kaya niya mag-podium finish sa Asian at Asean events.
Paralympics slot kasi ang hinahabol ng kanyang mga backers para kay Alex at ang PPTC naman ay tumutulong pero di pa pinansyal at hinihintay pa ang approval ng Philippine Sports Commission sa request na budget for paratriathlon. Sana nga ay lumabas na para ganahan naman ang ating mga paratriathlete sa kanilang paghahanda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.