Female star kinabog ang gutom na karpintero sa katakawan
SA makasaysayang airport na naman ng ating bayan naganap ang pinagpipistahang kuwentong ito tungkol sa isang pamosong female personality. Pagbaba pa lang kuno sa kanyang van ay nakasimangot na si girl.
Napakaaga kasi ng flight, hindi pa siguro nakukumpleto ang tulog ng female personality, kaya natural lang na hindi siya makapagpapasabog ng ngiti sa mga tumatawag sa kanyang pangalan.
Kapag may tumatawag sa kanyang name ay deadma ang babaeng personalidad, wala siyang panahong makipagngitian sa mga faney, antok na antok pa nga siguro ang girl.
Natural, nasa business class ang aktres, hindi siya bumibiyahe nang nasa economy dahil kayang-kaya niya namang bumili ng mamahaling plane ticket.
Nagpunta muna siya sa Mabuhay Lounge, patay-oras siya du’n, pero ikinagulantang ng mga nandu’n ang kanyang ginawa.
“Hindi pala siya puyat, gutom na gutom pala siya! Juice colored! Kung lumafang siya, e, parang karpintero sa sobrang dami ng kinain niya! Wala siyang pinipiling pagkain, lahat ng nandu’n sa buffet table, e, kinain niya!
“Ang ipinagtataka ng mga nandu’n, e, kung saan niya inilalagay ang mga kinakain niya. Napakaliit kasi ng katawan niya, para nga siyang walang bituka sa sobrang kapayatan!
“Walang nakaumbok sa tiyan niya, flat na flat, kaya kung saan niya isinasaksak ang food na nilantakan niya, e, walang nakakaalam!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Nang dumating ang mga kasamahan niyang performers ay dumidighay na sa sobrang kabusugan ang aktres, nakangiti na siya sa lahat ng nakikita niya, kumakaway na rin siya sa mga tumatawag sa kanyang pangalan.
“Matindi palang magutom ang babaeng ‘yun, kaaway niya ang buong mundo! E, nu’ng makakain na siya, ayos na ang kapaligiran niya, nakikipag-selfie pa nga siya!
“Ang pinagtatakahan pa rin ng mga nakakita sa kanya habang bonggang-bonggang kumakain, saan niya inilalagay ang pagkain, samantalang sobrang payat naman niya?
“Tunog-lalaki ang name ng female personality, at lalaking-lalaki rin pala ang bituka niya, dahil ang lakas-lakas talaga niyang lumafang!” pagtatapos pa ng aming napapailing na impormante.
Naman! Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, siguradong kilalang-kilala n’yo ang female personality na ito na parang pagod na pagod na karpintero kung kumain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.