Ika-4 na panalo asinta ng TNT KaTropa, Meralco Bolts
Mga Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs TNT KaTropa
7 p.m. Meralco vs Magnolia
Team Standings: Rain or Shine (4-1); TNT (3-1); Meralco (3-1); Alaska (3-1); GlobalPort (3-2); Columbian (3-3); Phoenix (2-2); Magnolia (2-1); Ginebra (1-2); NLEX (1-4); San Miguel Beer (0-2); Blackwater (0-5)
KAPWA asam ng magkapatid na koponang TNT KaTropa at Meralco Bolts ang ikaapat na panalo at pagsalo sa liderato sa pagsagupa sa magkahiwalay na kalaban sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng TNT ang wala pang panalong Blackwater Elite umpisa alas-4:30 ng hapon habang makakaharap naman ng Meralco ang papaangat na Magnolia Hotshots ganap na alas-7 ng gabi.
Desidido ang TNT na magkampeon muli sa liga sa torneong ito. Huling nakatikim ng titulo ang KaTropa noon pang 2014-15 Commissioner’s Cup at ngayon ay may pagkakataon itong putulin ang dominasyon ng San Miguel Beermen na nakalikom ng anim na korona sa huling 10 conference ng PBA.
Puwersado naman ang Blackwater na makuha ang unang panalo ngayon matapos na makalasap ng limang diretsong kabiguan kabilang na ang 91-105 pagkatalo kontra Barangay Ginebra Gin Kings noong isang linggo.
Asam naman ng Bolts na masundan pa ang huli nitong itinalang 93-85 panalo kontra sa nagtatanggol na kampeon na San Miguel Beer para sa ikaapat nitong panalo sa pagsagupa sa Hotshots na hinihintay pa ang kanilang isasabak na import matapos na magpaalam si Vernon Macklin.
Sinandigan ng Bolts sina Baser Amer na nagtala ng 28 puntos, 8 rebound at 3 assist pati na si Chris Newsome na may 23 puntos, 7 rebound at 4 assist upang tulungan ang import na si Arinze Onuaku na may 13 puntos, 12 rebound at 8 assist.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.