Mister nawala sa Saudi na parang bula | Bandera

Mister nawala sa Saudi na parang bula

Susan K - May 16, 2018 - 12:10 AM

MAHIGIT 20 taong nang nasa Saudi Arabia si Pablo. Ngunit sa buong panahon nang kaniyang pag-aabroad, hindi ito nagparamdam sa pamilya.

Ilang buwan lamang itong nakapagpadala sa Pilipinas at parang bulang bigla na lamang naglaho. Kaya solong iginapang ng kanyang misis ang kanilang pamilya. Palibhasa’y wala nang dumadating na remittance kung kaya’t namasukan ito bilang katulong, naglako ng kung ano-anong paninda, naglabada, at pumasok sa kung anong trabaho para lamang masuportahan ang pangangailangan ng mga anak.

Wala mang Pablong nagpaparamdam sa haba ng panahon, sa puso ni misis, patuloy pa rin siyag naghihintay at umaasa na buhay ang kaniyang asawa at babalik ito sa kanila sa takdang panahon.

At lumipas na nga ang napakahabang panahon hanggang sa nakapag-asawa na rin ang tatlo nilang anak. Wala pa ring Pablong nagpapakita sa kanila. Wala siyang nadaluhan na kahit anumang mahahalagang okasyon ng kaniyang pamilya.

Ngayong may mga apo na siya, wala ring nakilalang lolo ang mga bata. Sa awa na rin sa pamilya, isa sa mga manugang ni Pablo ang nakipag-ugnayan sa Bantay OCW at nagbakasakali na maka-konek sa nagtatagong si Pablo.

Hiling niya na sana’y mahanap ang kaniyang biyenan na mahigit na 20 taong hindi nagpaparamdam sa kanyang pamilya.

Katulad nang dati, ginawa ng Bantay OCW ang lahat upang hanapin ang sinasabing OFW. Sinimulan naming alamin sa Bureau of Immigration kung may nakabalik na bang OFW na tumutugon sa kaniyang pangalan. Wala raw.

Inalam din natin sa Overseas Workers Welfare Administration kung mayroong record sa kanila. Wala rin daw.

Inireport din namin iyon sa ating embahada at ikinalat nila ang impormasyong hinahanap ‘anya ng kaniyang pamilya sa Pilipinas ang naturang OFW. Nakipagtulungan din ang ilang mga organisasyon doon.

Ngunit may record ang Social Security System na nag-loan pa si Pablo sa kanilang tanggapan may 10 taon na ang nakararaan. Iyon na lamang ang pinanghawakan ng pamilya na hindi nawawala at buhay pa nga si Pablo.

Isang araw, gulat na gulat ang pamilya nang makatanggap sila ng tawag mula kay Pablo. Humihingi ito ng paumanhin na hindi na nagparamdam sa pamilya dahil nawalan ‘anya siya ng trabaho roon.

Muli, nakapagpadala ito ng pera sa asawa, ngunit sa loob lang ng tatlong buwan. At pagkalipas noon ay hindi na naman siya nakipag-ugnayan.

Tumawag naman ang isang nagpakilalang kaibigan ni Pablo at sinabi niyang may sariling pamilya na ‘anya ito sa Saudi at sadyang pilit nitong kinalimutan na may naiwan siyang pamilya sa Pilipinas. May kinakasama at tatlong anak siya roon.

Masakit man at mahirap tanggapin ang katotohanan, ngunit patuloy pa ring umaasa si misis na babalik pa rin si mister sa kaniya at handa pa rin niyang patawarin at tanggapin ito.

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending