Arnell pinahanap ng opisyal sa Kuwait para sunduin ang mga OFW
LUMIPAD papuntang Kuwait si Arnell Ignacio nu’ng Huwebes nang gabi. Biglaan ang kanyang alis, walang kaplanu-plano, pero bilang kinatawan ng OWWA ay kailangan niyang sundin ang ipinag-uutos sa kanya.
Siya ang naatasang mag-uwi sa may anim na raan nating mga kababayang OFW sa Kuwait, kailangang siya talaga ang magpunta du’n, dahil siya ang hinahanap ng mga tagapamuno ng pamahalaan ng nasabing bansa.
Ayon sa aming source na kasamahan sa OWWA ng aktor-TV host, “Hindi niya inaasahan na siya ang susundo sa mga OFW sa Kuwait. Pero isang mataas na opisyal du’n ang nagsabi, ‘Where is the small one from showbusiness, we trust him!’
“Siya ‘yun, isa si Arnelli sa mga sumundo sa mga kababayan nating nakauwi na, siya ang hinahanap ng mga Kuwaitis. Wala siyang choice kundi ang bumiyahe dahil siya nga ang hinahanap sa Kuwait,” kuwento ng aming source.
Pinakamarkadong ginawa ni Arnelli bilang kinatawan ng OWWA ang pagsundo niya sa kababayan nating pinaslang na pagkatapos ay isang taong itinago sa freezer.
Kuwento sa amin ng magaling na TV host nang maging panauhin namin siya sa radyo, “Iba ‘yun. Talagang wasak na wasak ang puso ko nu’ng masilip ko na ang bangkay ni Joanna Demafelis.
“Parang kadugo ko siya sa sobrang tindi ng tama sa puso ko. Kahit hindi kami magkaanu-ano, matindi ang dagok sa akin ng nangyari sa kanya. Napakasakit, kaya iyak ako nang iyak,” pahayag ni Arnelli.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.