DEAR Ateng Beth,
Maganda naman po ako pero bakit ang crush ko hindi ako gusto? Wala naman akong problema sa sarili ko, mabait naman ako. I am 18 years old na po ngayon. Ano po ang gagawin ko Ateng Beth? Forever na ba akong single?
Jessica ng Dumga, Makato, Aklan
Juskuday, Jessica!!! Kung maka-crush ka akala mo katapusan na ng mundo! Desperado ka na sa lalaki?!
Kurutin ko kaya yang singit mo nang matauhan ka.
Sino bang may sabing wala kang problema sa sarili mo?! Hiyang-hiya naman ako, tsaka sila na nagbabasa rin nito, sa kawalan mo ng problema! Lahat tayo may problema sa sarili, may kapintasahn.
Kaya nga you sounded so desperate. Desperadong-desperado ka sa atensyon ng isang lalaki at sa edad na 18, feeling mo agad forever ka nang single? Bakit ilang taon na lang ba ang itatagal mo sa mundo at atat na atat kang magka-boyfriend?
Mabait ka kamo? Sino naman may sabi niyan? Itanong mo sa nanay at tatay mo kung mabait ka ba talaga. Itanong mo rin sa mga kamag-anak at kaibigan mo ‘yan. Kapag hindi ka mabait sa tingin nila, ibig sabihin maling relasyon ang hinahabol mo!
Pagbutihin mo muna ang relasyon mo sa pamilya mo. Ayusin mo ang sarili mo. Pag nakatulong ka na sa kanila, kapag naigalang mo na sila, kapag kaya mong rumespeto sa kanila ng walang reklamo, doon mo tawagin ang sarili mo na mabait.
Alam mo bakit di ka crush ng crush mo? Kasi ordinaryong babae ka lang. Subukan mong mag- aral mabuti, paghusayin ang sarili at magsikap maging mas mabuting tao — balang araw matatawa ka lang sa sarili mo dahil maiisip mo, di mo nga deserve yang crush mo. May mas mahusay na lalaki na mas compatible sa yo. Sa ngayon, magbasa-basa ka muna. Tumulong-tulong sa gawaing bahay. Maghanap ng pagkakakitaan dahil mas maraming mahahalagang bagay kaysa sa crush mo na hindi ka crush!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.