Mas mabilis pauwiin ang buhay, kaysa pagpapabalik sa bangkay | Bandera

Mas mabilis pauwiin ang buhay, kaysa pagpapabalik sa bangkay

- June 28, 2013 - 07:00 AM

UNANG lumapit sa Bantay OCW si Feliza Ibamit nang ni-recruit siya ng kababayan nating nasa Italya upang magtrabaho doon. Malaking halaga ang ipinadala niya sa OFW na umaktong recruiter, illegal nga lang.

Tatlong taong naghintay si Feliza, pero walang nangyari. Hindi na nga siya nakaalis, patuloy pa rin siyang hinihingan ng pera sa Italya upang ayusin ‘anya ang kaniyang mga dokumento.

Sa puntong iyon, humingi na ng tulong sa Bantay OCW si Feliza. Nagising na rin siya sa katotohanan na niloloko lang siya nikabayan.

Wala kaming inaksayang panahon. Agad naming kinausap ang recruiter sa Italya at ipanasasauli ang buong halagang ibinigay sa kaniya ni Feliza.

Nangako naman ang illegal recruiter na na isosoli niya nang buo ang pera nito. Pakiusap na lang niya na wag na lang ilatahal sa diyaryo at ma-broadcast sa radyo ang kaniyang pangalan.

Tinupad naman nito ang kanyang pangako at buong nakuha nga ni Feliza ang lahat ng pera niya at ginamit niyang puhunan para magkaroon ng babuyan. Hindi na siya nag-plano pang mag-abroad. Mas masaya ‘anya siya ngayong namumuhay kasama pa ng buong pamilya.

Sa ikalawang pagkakataon na paglapit sa Bantay OCW, hiling naman ngayon ni Feliza na maiuwi ang labi ng kaniyang kapatid na si Miguel Ibamit, OFW sa Al Zaid, Riyadh, Saudi Arabia.

Inatake sa puso si Miguel habang naghihintay ng kanilang sweldo sa opisina ng Al Latifa Trading Construction noong Abril 27, 2013.

Nauna nang naiuwi ang mga personal na gamit ni Miguel.

Nakipag-ugnayan kaagad ang Bantay OCW kay Vice Consul Redentor Genotivo ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh. At ang magandang balita, dahil mabilis na pagkilos ng mga kinatawan ng embahada, nakauwi na ng bansa ang mga labi ni Miguel noong Hunyo 22 lulan ng Etihad Airways.

Nailibing siya noong Miyerkules, Hunyo 26. Labis ang pasasalamat ni Feliza sa Bantay OCW, Radyo Inquirer at Inquirer Bandera, dahil sa agarang pagpapauwi ng mga labi ng kanyang kapatid, at hindi siya nabigo sa ikalawang pagkakataon na paghingi niya ng tulong.

Dumulog sa Bantay OCW si Fe Nobleza, ina ng ran away na OFW sa Dubai, United Arab Emirates at hiling sana ng kaniyang anak na makauwi sa lalong madaling panahon.

Umalis si Irene Gay Nobleza noong Mayo 12, 2012. Cook ang trabahong inaplayan niya sa Aquagent Agency ngunit nang magtungo sa POEA ang kapamilya nito, napag-alaman nilang Saveway International Manpower Services ang nagproseso ng kanyang mga dokumento sa POEA.

Hindi lamang pagi-ging cook ang trabaho ni Irene. Naging all around helper rin siya sa kaniyang employer. Isang oras lamang ‘aniya ang pahinga nito sa araw-araw. Dahil sa dami ng trabaho, namaga at nagkasugat-sugat ang kamay ni Irene.
Nagdesisyon si Irene na tumakas sa kanyang employer at kasalukuyang nagtatago sa isang kaibigang Indonesian. Hawak ng employer nito ang kanyang pasaporte.

Masugid na tagasu-baybay ng Inquirer Bandera si Nanay Fe, kaya naman matapos malaman ang problema at sinasapit ng anak sa Dubai, hindi na nagdalawang isip pa si nanay Fe na humingi ng tulong sa Bantay OCW.

Agad namang nakipag-ugnayan kami sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai. Pinayuhan ni Labatt Cruz si nanay Fe na papuntahin kaagad sa Konsulado ng Pilipinas si Irene upang huwag siyang maunahan ng kaniyang employer na maka-pagreklamo sa awtoridad at maaaring sa bandang huli ay mabaliktad pa at siya ang makasuhan ng kung anu-ano dahil sa matinding galit nito nang lumayas siya kaniyang mga amo.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
E-mail: [email protected]/ [email protected]

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending