Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
4 p.m. Magnolia vs Phoenix
6:30 p.m. Ginebra vs TNT KaTropa
Team Standings: Rain or Shine (3-0); TNT KaTropa (2-0); Globalport (2-1); Alaska (2-1); Columbian Dyip (2-2); Meralco (2-1); Phoenix (1-1); Barangay Ginebra (0-1); NLEX (0-3); Blackwater (0-4); San Miguel (x-x); Magnolia (x-x)
PUNTIRYA ng wala pang talong TNT KaTropa ngayon ang matuhog ang ikatlong dikit na panalo sa PBA Commissioner’s Cup at makatabla sa unang puwesto ang Rain or Shine.
Pero hindi ito magiging madali dahil ang makakasagupa ng KaTropa ngayon ay ang pinakapopular na koponan sa liga, ang Barangay Ginebra.
Mag-uumpisa ang laro ganap na alas-6:30 ng hapon kung saan habol din ng Gin Kings na makuha ang unang panalo sa torneyo matapos na mabigo kontra Rain Or Shine, 89-108, noong Abril 29.
Sa unang laro ay magsasagupa naman ang Magnolia Hotshot at Phoenix Fuelmasters umpisa alas-4 ng hapon.
Nangako naman ang import ng Ginebra na si Charles Garcia na magpapakita ito ng mas magandang laro kontra TNT ngayon.
Sa unang laban kasi ng Ginebra ay kararating lang ni Garcia sa bansa at ininda niya ang init ng panahon bagaman nakapagtala siya ng 19 puntos, anim na rebound at walong assists sa laro.
Nanalig din si Ginebra point guard LA Tenorio na maipapakita ni Garcia ang tunay nitong laro kontra TNT.
“Hindi pwedeng gamiting guage ang game na iyon (vs Rain or Shine) sa kung ano ang kayang ma-achieve ng team namin,” sabi ni Tenorio.
Makakatapat ni Garcia ang masipag na import ng KaTropa na si James Tyler na binuhat ang koponan sa panalo kontra Phoenix Fuelmasters (106-98) at GlobalPort Batang Pier (128-114).
Samantala, ipaparada ngayon ng Philippine Cup runner-up Magnolia ang import na si Vernon Macklin.
Ang 6-foot-10 na si Macklin ay naglaro para sa Ginebra noong 2013 at kabilang din sa pambansang koponan na nagkampeon sa Jones Cup matapos magposte ng walong sunod na panalo.
Si Macklin ay naglaro sa college para sa University of Florida bago nakuha ng Detroit Pistons sa second round ng 2011 NBA draft.
Ngayon lang maglalaro ang Hotshots sa Commissioner’s Cup dahil binigyan sila ng panahon na makapagpahinga matapos na maglaro sa finals ng Philippine Cup kontra sa nagkampeon na San Miguel Beer. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.