ATENG Beth,
Recently, isang malaking reunion ng mga classmates ko noong high school ang pinuntahan ko. Doon ko po nakita muli yung first love ko.
Pamilyado na rin po siya gaya ko. Natapos yung gabi na yun na parang kami lang dalawa ang nag-usap at nagtanungan ng kung ano-anong what ifs.
Sa madaling salita, nadugtungan po yung pagkikita na iyon ng mga text messages at private messages sa Facebook. Hanggang isang araw ay nagdate na kami at marami ang nangyari na ngayon ay pinagsisihan ko na.
Pero andon yung guilt. Anong gagawin ko? Tama bang magtapat ako sa mister ko at posibleng tuluyang masira ang pamilya namin? O ilihim na lang para wala nang masaktan?
Mrs. Em, Pasay City
Hello Mrs. L., ay Mrs. Em pala!
Dalawang bagay — sabi mo nga kapag nagtapat ka, baka masira pamilya mo. Pero baka rin naman hindi. Ikaw ang nakakakilala sa asawa mo. Siyempre sa simula, magagalit si mister, alangan namang magtatalon siya sa tuwa dahil nagkita kayo ng first love mo at nagtaksil ka.
Pero habang lumalaon, pwede ka pa rin niyang patawarin at matanggap, hindi ba? Pwede syang mahimasmasan sa galit niya at mapatawad ka. So nakalaya ka na mula sa guilt feelins; nalagpasan ninyong mag-asawa ang isang matinding pagsubok, at hopefully ay natuto ka ng leksyon mo.
Again, ikaw ang nakakakilala higit sa sarili mong asawa.
Or, pwede namang manahimik ka na lang, itigil na ang pakikipagkomunikasyon sa lalaki mo at ituloy ang buhay mo na parang walang nangyari. Pero sa loob mo nginangatngat ka ng konsensiya mo at isang araw maloloka ka na lang. Ending — sira rin ang pamilya mo dahil bukod sa nagtaksil ka ay naglihim ka pa!
Ang nagsasabi ng tapat, nagsasama ng maluwat, sabi nga ng kung sinong matanda.
Kaya mo bang mabuhay nang may dala-dalang malaking bagahe sa dibdib mo? Ikaw lang ang makakasagot niyan.
May nais ka bang isangguni kay Ateng Beth? I-text sa 09156414963
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.