P5M ransom hiningi para sa 2 dinukot na policewoman sa Sulu; kidnapers nakasagupa ng AFP
Kaugnay nito, inulat ng militar na nakasagupa ng mga kawal na nagsasagawa ng rescue operation ang bahagi ng grupong dumukot kina PO2 Benierose Alvarez, PO1 Dinah Gumahad, at dalawa nilang kasamang lalaki, sa hangganan ng Patikul at Talipao.
Ayon kay Albayalde, humingi ng tulong ang PNP sa mga local official ng Sulu para ipakiusap ang pagpapalaya sa mga kidnap victim.
“May mga negotiators tayo. We asked help from local chief executives, at ang hinihingi initially na ransom is P5 million [for both policewomen],” aniya.
“There is proof of life as of this morning,” anang PNP chief.
Sa kabila nito, iginiit ni Albayalde na di magbibigay ng ransom ang PNP.
“That’s a terror activity, we do not give in to these kinds of demands of those who we consider terrorists,” aniya.
Sinabi naman ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Armed Forces Joint Task Force-Sulu, na nakatanggap siya ng di pa kumpirmadong impormasyon na humihingi naman ang mga kidnaper ng P300,000 para sa mga kasama nina Alvarez at Gumahad na sina Jakosalem Ahamad Blas at Faizal Ahidji.
Kaugnay nito, sinabi ni Sobejana na nakasagupa ng mga kawal ang bahagi ng grupo ng mga kidnaper habang nagsasagawa ng rescue operation sa Brgy. Mauboh, Talipao, dakong alas-3 ng hapon Martes.
Umabot sa 15 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga miyembro ng 5th Scout Ranger Battalion at “lawless elements” bago umatras ang huli, aniya.
Isa sa mga kidnaper ang napatay at aabot sa apat ang nasugatan, habang tatlong kawal ang nagtamo ng mga pinsala, ani Sobejana.
Sa mga sugatang kawal, isa ang malubha kaya inilipad patungong Zamboanga City, Miyerkules ng umaga, aniya.
“‘Yung nabangga ng tropa natin kahapon, isa sa mga security forces [ng abductors] but hindi sila mismo ang may hawak sa kidnap victims,” sabi pa ni Sobejana.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.