MAY taglay na carcinogen ang poster na gamit ng ilang kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon sa EcoWaste Coalition may na-detect itong cadmium sa tarpaulin poster na gamit ng ilang kandidato. Magsisimula ang siyam na araw na kampanya sa Mayo 4.
Ang cadmium ay mayroong toxic effect sa kidney, skeletal at respiratory systems. Itinuturing itong human carcinogen ng World Health Organization.
“Tarpaulins such as those made of polyvinyl chloride plastic often contain cadmium, a chemical that is deemed extremely harmful to human health and the environment,” ani Thony Dizon, chemical safety campaigner ng EcoWaste.
Sinabi ni Dizon na mas maaalala ng mga botante ang mga kandidato na nakikipag-usap sa kanila kaysa sa mga tarpaulin na kanilang ipagagawa.
Nagsagawa ng chemical analysis sa mga tarpaulin ang EcoWaste at natukoy na may taglay itong cadmium na ginamit na stabilizer o coloring agent sa PVC plastic.
Sa 10 tarpaulin na sinuri lahat ay may taglay na cadmium na umaabot sa 1,028 hanggang 1,536 parts per million lagpas sa 100 ppm na itinakda ng European Union.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending