NANGAKO si Filipino boxing icon at Sarangani Rep. Manny Pacquiao na tutulong sa mga bata at papausbong na boksingero ng bansa at magsasagawa ng programa na tutulong para makakilala ng mga world champions sa hinaharap.
Ang multi-division world champion na si Pacquiao, na mas kilala sa tawag na Pacman sa mundo ng boksing, ay sinabi ang nasabing pangako matapos na magsagawa ng isang courtesy call si Edrin “The Sting” Dapudong, ang bagong International Boxing Organization junior bantamweight champion, sa kanyang Gen. Santos City mansion kamakalawa.
Si Dapudong, na nagdiwang ng kanyang ika-27 kaarawan kahapon, ay ipinakita kay Pacquiao ang kanyang IBO champion’s belt na kanyang natanggap noong isang araw matapos na ihatid mula sa IBO Headquarters sa Florida, USA
Ang bagong kampeon na mula sa Barangay Pag-asa sa M’lang, North Cotabato ay napanalunan ang IBO 115-lb. title sa pamamagitan ng matinding first-round knockout laban kay Gideon Buthelezi ng South Africa sa Johannesburg, South Africa noong Hunyo 15.
Si Dapudong ang naging kauna-unahang world champion mula sa North Cotabato at ang kanyang first-round knockout ay bahagi na ngayon ng Philippine boxing history dahil ito ang naging ikawalong first-round knockout na naitala ng isang Pinoy boxer sa isang world championship fight.
Sinabi rin ni Pacquiao na may ilang batang Filipino fighters ang kasama sa undercard ng kanyang laban sa Nobyembre 28 kontra sa Amerikanong si Brandon Rios sa Macau.
Sa isang proposed partnership sa GMA Network, susuportahan ni Pacquiao ang isang national boxing tournament na lalahukan ng walong boxing teams na may tig-walong boksingero na magmumula sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ang event na makikilala bilang “Manny Pacquiao Presents…” ay paghaharapin ang mga pinakamahuhusay na boksingero mula sa walong weight divisions sa 12-buwang torneo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.