INALOK daw ng mga Ampatuan ang pamilya ng 14 nilang biktima sa Maguindanao massacre at muntik nang kagatin ang alok.
Ito ang sinabi ni Harry Roque, abogado ng ilan sa mga kamag-anak ng biktima ng Maguindanao massacre.
Ang inalok na pera, ani Roque, ay P50 million para sa out-of-court settlement.
Lumalabas na P3.58 million kada pamilya para sa 14 biktima.
Muntik nang tanggapin ang alok dahil nababanas na ang mga kamag-anak ng Maguindanao massacre victims ang pag-usad ng kaso sa korte.
Baka dumating ang panahon na lahat ng pamilya ng mga 58 biktima ng Maguindanao massacre ay pumayag ng alok out-of-court settlement ng mga Ampatuan.
Pabor sa mga Ampatuan ang napakabagal na pagbibista sa kanila.
Ang mga kayamanan ng mga Ampatuan ay nagkakahalaga ng bilyon-bilyon na nakumlimbat nila noong panahon ni Pangulong Gloria.
Kaya nilang bayaran ang lahat ng pamilya ng 58 na biktima.
Kahit na P10 million bawat pamilya ng 58 biktima, yan ay aabot ng P580 million. Mani lang yan para sa mga Ampatuan.
Noong ni-raid ng mga sundalo ang mga mansion ng mga Ampatuan sa Maguindanao, nadiskubre nila na may P800 million sa loob ng vault ng bahay at kinulembat nila ang malaking halaga.
Mga P200 milllion pa ang nakita ng mga Army troops na nakabaon sa bakuran ng isa pang mansion sa Maguindanao.
Napag-alaman ko na nanlaki ang mga mata ng noon ay First Gentleman Mike Arroyo dahil sa mga nadikubreng malalaking halaga sa mga mansion ng mga Ampatuan.
Ibig pa ngang pumiktyur si Mike Arroyo, pero hindi siya pinartihan ng Army troops.
Siguradong marami pang pera na nakabaon o nakatago sa ibang lugar sa Maguindanao at Davao City, kung saan meron ding mansion ang mga Ampatuan.
Hanggang ngayon ay wala pang linaw ang pagkawala ni Randy Rejesus, 27, na binugbog ng mga pulis na nasa checkpoint sa General Trias, Cavite, noong gabi ng Marso 10.
Nakasakay si Rejesus ng kanyang motorsiklo at pauwi na ng bahay galing sa isang birthday party.
Nasita siya ng mga pulis dahil di niya sinuot ang kanyang helmet.
Sinabi ng isang eyewitness na nagkasagutan si Rejesus at mga pulis kaya’t siya’y binugbog ng mga ito at kinaladkad sa presinto na malapit sa checkpoint.
Mula noon ay hindi na nakita si Rejesus.
Tinutulungan ng aking programang “Isumbong mo kay Tulfo” ang kapatid ni Rejesus na si Marissa na mahanap ang lalaki.
Ang mga pulis na dapat managot sa pagkawala ni Rejesus batay sa aming testigo ay sina PO1 Rogie Fabrigas Cayaga, PO1 Allan John Ferrer, PO2 John Leo Amon Francisco at PO3 John-John Dichoso Pilapil.
Kinausap na namin ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at ang korte ng Cavite na atasan ang mga pulis na nabanggit na ilabas si Rejesus.
Hiniling din naming sa Department of Justice na bigyan ng proteksiyon ang aming eyewitness sa ilalim Witness Protection Program.
Pero ang aming mga kahilingan ay nabaon sa government bureaucratic red tape.
Ganyan ang hustisya sa ating bansa—bulok!
Masisisi ba natin ang taumbayan kung wala silang tiwala sa hustisya?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.