Driver na may attitude yari sa rating system
AYOS din ang plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na lagyan ng rating system ang mga driver ng taxi cab.
Kung ganito kasi ay maiiwasang magpakita ng kagaspangan ng ugali ang mga taxi driver—hindi naman lahat pero hindi maikakaila na meron talagang ganitong klase ng taxi driver.
Kung masisibak ka o mababa ang rating ng mga pasahero sa iyo at ito ay kasalanan mo, sinong taxi company pa ba naman ang kukuha sa iyo?
Takot lang nila na kunin ka at baka may gawin kang kalokohan na maging dahilan ng pagkansela sa prangkisa ng kumpanya.
Ang listahan ay dapat na accessible sa lahat ng taxi companies. Bago tumanggap ng driver dapat ay silipin muna ng mga taxi companies kung nasa listahan ng mga driver na may masamang rekord.
Ang rating system ng driver ang isa sa mga bagay na nagustuhan ng mga mananakay na lumipat sa mga transport network companies gaya ng Grab.
Madaling ireklamo ang driver at madaling i-verify ang mga datos kung totoo na naging pasahero ang nagrereklamo at kung sa inirereklamong driver siya sumakay.
Sa proseso kasi ng pagrereklamo sa abusadong taxi driver pupunta ka sa LTFRB para dumalo ng hearing. Ayaw namang maabala ng marami sa mga nagrereklamo lalo na kung kailangan mong umabsent para rito, buti kung isang absent lang tapos na.
Kung cellphone at internet lang ang kailangan mo para maipararating ang masamang ginawa sa iyo, bakit nga naman hindi mo itutuloy?
***
Sa palagay ko ay tama rin ang plano ng LTFRB na payagan ang mga driver na higit sa isang TNC magpa-accredit.
Ibig sabihin, ang isang driver ay pwedeng magpa-accredit sa Grab, o sa mga bagong kompanyang Hype Transport Systems Inc., o HirNa Mobility Solutions Inc. at sa mga iba pang kompanya na papayagan ng LTFRB.
Kung halimbawa may booking siya sa Grab at sa kanyang destinasyon ay mayroong pasahero ang Hype o HirNa pwede niya rin iyong maisakay.
Mas maraming oportunidad na makakuha ng pasahero.
Pero kapag siya ay sinuspinde ng isa sa mga TNC dahil mayroon siyang kasalanan, hindi siya pwedeng bumiyahe gamit ang iba pang TNC. Pag suspendido ka sa isa, suspendido ka sa lahat.
Sa ganitong paraan, no choice din ang mga driver kundi ayusin ang kanilang serbisyo.
Paniwala ko kasi kung masama ang ugali ng isang driver, kapag lumipat siya sa ibang kumpanya ay bitbit pa rin niya ang ugali niya. Pero naniniwala din ako na pwedeng magbago ang isang tao kung gusto niya.
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi natatakot ang mga abusadong driver ay pwede naman kasing mag-drive sa iba.
Hindi ko maintindihan kung bakit mayroong mga driver na ayaw mahalin ang kanilang propesyon na pagmamaneho kahit na dito sila kumukuha ng kanilang ipambibili ng pagkain at pampaaral sa kanilang mga anak. Nadadamay tuloy ang iba na matino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.