Jehovah's Witnesses pinutukan ng NPA; 1 patay, 2 sugatan | Bandera

Jehovah’s Witnesses pinutukan ng NPA; 1 patay, 2 sugatan

John Roson - April 19, 2018 - 05:34 PM
NASAWI ang isang mangangaral ng Jehovah’s Witnesses at dalawa pa ang nasugatan nang paputukan ng mga kasapi ng New People’s Army sa Gigaquit, Surigao del Norte, nitong Miyerkules, ayon sa militar. Ikinasawi ni Jepti Acido, 32, ng Brgy. Tayaga, Claver, ang tama ng balang pumasok sa kaliwang mata at tumagos sa batok, sabi ni Capt. Francisco Garello, civil-military operations officer ng Army 36th Infantry Battalion. Nagtamo naman ang mga kapwa niya mangangaral na sina Virgil Flor Ortiz, 23, ng Claver; at Adner Malaque, 20, ng Brgy. Villafranca, Gigaquit, ng mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan. Naganap ang insidente dakong alas-12 ng tanghali sa Sico-sico Bridge ng Brgy. Lahi. Binabagtas nina Acido, Ortiz, at Malaque ang naturang lugar lulan ng motorsiklo patungo sa kabahayan kung saan sila mangangaral, nang sila’y paputukan, sabi ni Garello nang kapanayamin sa telepono. “Pag-akyat nila sa bridge, may pumutok, tinamaan sila ng armado… Nung natumba sila, nakita ni Ortiz na may tama at di na gumagalaw si Acido. Nilapitan sila ng NPA, tinanong sila kung sundalo, sinabi nila na magsasangyaw (mangangaral) lang sila at mga Jehovah’s Witnesses sila,” aniya. Kasunod nito’y di sila pinakilos ng mga rebeldeng miyembro ng Guerrilla Front 16, sinilip ang loob ng kanilang mga bag, at natagpuan na pawang mga gamit sa pangangaral ang laman ng mga ito, ani Garello. “Nung na-realize ng NPA ang mistake nila, nag-sorry at inabutan yung survivors ng laminated sacks na blue, para di sila mabasa kasi umuulan that time,” aniya. Nagsasagawa noon ng combat operation sa ibang lugar ang mga miyembro ng 36th IB, pero lumipat sa Brgy. Lahi nang malaman ang insidente para tugisin ang mga salarin, ayon kay Garello. Nakipag-ugnayan din ang mga kawal sa pulisya para madala sina Ortiz at Malaque sa ospital sa Surigao City. Kinundena ni Lt. Col. Xerxes Trinidad, commander ng 36th IB, ang insidente at nagpahayag ng kalungkutan dahil naganap ito sa gitna ng planong muling pagsisimula ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ang mga rebeldeng komunista. “The community of Brgy. Lahi has been responding positively to the programs of the government towards peace and development. However, the attack was made to sow fear and force the community not to support government peace initiatives,” sabi pa ni Trinidad. “The killing, masked as an act of patriotism pursuant to communist ideologies, is nothing but plain and simple terrorism,” sabi naman ni Chief Supt. Noli Romana, direktor ng Caraga regional police, sa hiwalay na kalatas.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending