ANG sabi nga nila’y “It was coming!” Para kasing hindi nakakagulat ang pangyayaring tinalo ng Lyceum of the Philippines University Pirates ang three-time defending champion San Beda Red Lions, 70-66, noong Lunes.
Kasi nga, matapos ang first game ng San Beda noong Sabado laban sa host College of Saint Benilde Blazers ay naniwala na ang lahat na hindi magiging madali para sa Red Lions na maibulsa ang ikaapat na sunod na kampeonato.
Hindi magiging madali na sagasaan nila ang siyam na koponang kalahok sa 89th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA). Laban kasi sa Blazers ay nawala ang 15 puntos na abante ng Red Lions sa second quarter at muntik pa silang masilat.
Nakalamang ang Blazers, 70-69, sa huling 4.8 segundo nang nagbuslo ng three-point shot si Fons Saavedra. Pero naisalba ni Arthur dela Cruz ang sitwasyon nang makaganti siya sa isang lay-up matapos ang alley-oop inbound ni Rome dela Rosa.
Kung ikaw si coach Teodorico “Boyet” Fernandez III, hindi ka nga talaga matutuwa sa panalong iyon. Ang masaklap, isang raw lang ang pagitan sa susunod nilang laro kontra Lyceum.
Muntik na nga silang matalo, aba’y nagkumahog pa sa preparasyon ang Red Lions noong Linggo. Paano sila makakabawi?
Well, nilamangan ng Red Lions ang Pirates, 22-18, sa pagtatapos ng first quarter. Pero hanggang doon na lang iyon.
Nakuha kasi ng Lyceum ang abante, 35-28, sa halftime. Biruin mong anim na puntos lang ang iniskor ng Red Lions sa second quarter! Ano yun? Pustura ba ng defending champion iyon?
Well, naipakita namang muli ng Red Lions na kaya nilang maghabol dahil sa pinalis nila ang 15 puntos na abante ng Pirates at dumikit sa 66-68. Puwede pa sana silang magwagi kung pumasok ang three-point shot ni Baser Amer.
Pero nagmintis siya at nakuha ni Shane Ko ang rebound. Nagbuslo ng dalawang free throws si Ko upang seguraduhin ang kauna-unahang panalo ng Lyceum kontra sa San Beda sa loob ng tatlong seasons.
Bale natalo muna ng apat na beses ang Pirates sa Red Lions bago nakaisa.Well, masamang umpisa ito para sa Red Lions. Kung tutuusin, swerte pa sila’t 1-1 ang kanilang record sa halip na 0-2.
Ang nakakarindi diyan ay ang pangyayaring ang tumalo sa kanila’y isang guest team at nangulelat noong nakaraang season. Kaya nga abot tenga ang ngiti ni Lyceum coach Bonnie Tan na nagyayaya na ngang mag-celebrate pagkatapos ng post-game interview, e.
Kung nagawa ng isang guest team at last placer noong nakaraang season na talunin ang Red Lions, ano pa ang puwedeng gawin ng ibang regular members.
Sa totoo lang, tila napag-aralan na ng lahat ang pambato ng San Beda na si Olaide Adeogun at hindi nito mabuhat ang Red Lions. Kung kay Adeogun lang aasa nang todo ang Red Lions at walang tutulong sa kanya, aba’y baka magwakas ang kanilang paghahari!
Pero siyempre, maaga pa para sabihing mapapababa nga sa trono ang Red Lions. Babawi’t-babawi sina Fernandez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.