MAGKAIBA ang sinasabi nina Agriculture Secretary Manny Pinol at Presidential Spokersperson Harry Roque kaugnay ng isyu hinggil sa pagbuwag ng National Food Authority (NFA) Council.
Batay sa pahayag ni Pinol, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pagbuwag sa NFA Council at ipinag-utos ang pagbalik ng NFA sa ilalim ng pamamahala ng DA.
Sa kasalukuyan, si Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr. ang siyang namumuno sa NFA Council.
Kinontra naman ang pahayag ni Pinol ni Roque sa pagsasabing hindi totoo ang pagbuwag sa NFA Council.
Dahil sa magkakaibang pahayag nina Pinol at Roque, sila na rin ang nagdesisyong i-gag order ang kani-kanilang sarili at hintayin na lamang ang magiging pahayag ni Pangulong Duterte.
Nagsimula kasi ang isyu matapos pumutok na wala ng suplay ng NFA rice sa bansa, samantalang kung tutuusin panahon ng anihan ngayon at walang rason para magkaroon ng problema sa bigas.
Sino nga ba ang dapat sisihin sa nangyayaring problema sa bigas?
Kung tutuusin, ang NFA ang siyang nangangasiwa para matiyak na sapat ang bigas sa bansa.
Hindi ba nagkukulang ang NFA sa trabaho nito kayat nangyayari ang mga ganitong kapalpakan?
Laging nababanggit ang mga rice cartel na siyang nagiging sanhi ng artipisyal na rice shortage sa bansa ngunit tila wala namang ginagawa ang mga otoridad para matukoy ang mga nasa likod nito at mapanagot ang mga ito.
Nauna nang inihayag ng opisina ni Evasco na inaprubahan mismo ni Pangulong Duterte ang pagbusisi sa rekord ng NFA sa harap ng alegasyon na napupunta lamang sa mga traders ang mga inaangkat na bigas.
Matagal nang problema ang rice hoarding at rice manipulation sa bansa, hindi pa kasama rito ang problema kaugnay ng rice smuggling.
Kamakailan, nabulgar din ang nangyayaring pangingikil ng ilang miyembro ng LTO at DPWH sa mga rice traders matapos namang magsumbong mismo kay Digong ang mga nabibiktima ng mga pangongotong.
Lumalabas na sa kabila ng babala ng Pangulo, may mga sangkot pa rin sa iligal na aktibidad.
Malapit ang bigas sa sikmura ng mga ordinaryong Pinoy kayat malaking isyu kung nagkakaroon ng problema sa suplay ng bigas kayat kinailangan pa na makialam na si Digong.
Antayin natin kung masosolusyon na ang problema sa NFA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.