LALABAN na naman ang ating Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at gaganapin ito sa Kuala Lumpur, Malaysia sa July 15. Ang makakalaban niya ay ang WBA welterweight champion na si Lucas Matthysse at pinapaboran daw manalo si Manny ng mga boxing oddsmakers. Ito ay kahit na sa huling laban niya sa Australyanong si Jeff Horn sa Brisbane, Australia ay tinalo siya ng huli by decision.
Maraming katanungan para sa akin tungkol sa labang ito, sama ko na ang sino kaya ang mananalo siyempre. Di hamak na matanda si Manny sa kalaban niya dahil 39 na nga siya at sa mga boksingero, matanda na ang edad na ito. Sa kaalaman sa boksing, siyempre lamang si Manny pero aminin man niya o hindi ay malayo na siya sa dating Manny na kinilala sa buong mundo.
‘Yun bang klase ng boksingero na patay kung patay sa ibabaw ng ring, walang uurungan, pamatay ang mga suntok, grabe magpaulan ng suntok sa kalaban na kung saan-saan nanggagaling at sa bilis ng mga suntok na sunud-sunod ay di makita ng kalaban. At pag nakakita ng pagkakataon ay hindi titigilan ang kalaban hanggang sa ito ay malugmok o itigil na lang ng referee ang laban. Ito ang boksingero na handang magbayad ang mga tao para siya panoorin kahit saan pa siya dumayo.
Ngunit makikita pa ba natin kay Manny ang mga katangian na iyan? Dahil may YouTube na, madaling malaman ang kasagutan. Panoorin ninyo lang ang mga huling laban ni Manny at makikita natin na ibang Manny na ang mapapanood natin. Actually tingin ko lang, matapos siya ma-knockout ni Juan Manuel Marquez, medyo nabawasan ang pagiging agresibo ni Manny sa mga sumunod niyang mga laban.
At katotohanan lang naman na wala pang boksingero na tumalo kay Father Time. Darating at darating ang panahon na ang isang napakagaling na boksingero ay babagal na rin, hihina ang suntok, bababa ang stamina at iba pang senyales sa isang tumatandang boksingero. Naalala pa ba ninyo ang nangyari kay Muhammad Ali noong nagpipilit pa rin siyang lumaban kahit tapos na ang panahon niya? Di nga ba ang ating sariling boksingero na si Flash Elorde ay ganun din ang ginawa at marami pang ibang ayaw maniwala na dapat na silang tumigil.
Pero meron pang ibang katanungan na dapat tanungin. Di ba sapat na ang nagawa niya sa ibabaw ng ring para siya ay tuluyan ng magretiro na taas noo at maalala siya ng mga boxing fans hindi sa sitwasyon na siya ay malayo na sa dati niyang kundisyon? Nauubos na ba ang kanyang kayamanan at lalaban pa siyang muli para kumita ng pera?
Ano ang opinyon ng asawa niyang si Jinkee at mga anak? Pabor ba sila na lumaban pa uli ang padre de pamilya nila? ‘Yung nanay niya sigurado ako ayaw nang palabanin si Manny noon pa, pero ‘yung mga nakapaligid kay Manny na kumikita kapag lumalaban pa rin si Manny, ano ang kanilang sinasabi kay Manny? Sila ba ang nag-uudyok kay Manny na lumaban pa uli?
O kaya naman ay di ba mas mabuti na mag-concentrate na lang si Manny sa kanyang pagiging pulitiko na kung saan ang edad ng isang tao ay walang kinalaman? Kahit tanungin pa ninyo sina Juan Ponce Enrile at Joseph Estrada.
At meron pa nga isang katanungan, naibalita na wala na sa kampo ni Manny si Freddie Roach, ang tao na pinakamalaking factor kung bakit umabot si Manny sa pinakatuktok sa larangan ng boksing at naging kampeon sa iba’t ibang weight divisions. Di ba kayo nagulat nang nag-announce ang kampo ni Manny na naghiwalay na ng landas si Manny at Freddie?
Ano ang dahilan? Huhulaan ko, palagay ko, pareho ko, naniniwala si Freddie na dapat ng tumigil sa boxing si Manny. Pero ayaw makinig sa kanya nitong si Manny at dahil dito ayun dumating ang tinatawag sa English na parting of ways.
Kayo, meron pa ba kayong katanungan din?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.