Apat na Chinese national at apat na kasabwat nilang Pilipino ang naaresto Huwebes, kasabay ng raid sa shabu at ecstasy laboratory na itinago sa isang farm sa Ibaan, Batangas, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Naaresto ang mga chemist na sina Tian Baoquan at Guo Zixing, pati ang mga Pilipinong sina Eduardo Lorenzo, 59, electrician; Rosaleo Cesar, 49, driver; at Amancio Gallarde, 40, utusan, nang i-raid ang laboratoryo, sabi ni PDEA chief Aaron Aquino.
Sinalakay ng mga tauhan ng PDEA, Armed Forces, at pulisya ang pasilidad na nasa Hingoso Farm, Brgy. Sto. Niño, dakong alas-6 ng umaga.
Nasamsam sa laboratoryo ang sari-saring kemikal na panggawa ng shabu at ecstasy, ani Aquino.
Kayang gumawa ng 25 kilo o P125 milyon halaga ng shabu sa loboratoryo, kada araw, aniya.
Sa kaugnay na operasyon, nadakip ang isa pang chemist na si Hong Dy at Pilipinong driver na si Nestor Baguio sa Lipa City.
Ilang oras naman matapos ito ay nadakip si Xie Jiansheng, ang organizer at handler ng mga chemist, sa follow-up operation sa Brgy. Francisco, Tagaytay City.
Nakuhaan ang naturang banyaga ng 500 gramo o P2.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu.
Ayon kay Aquino, simula pa Setyembre 2017 ay minamanmanan na ang mga Chinese chemist na, ayon sa Office of the National Narcotics Control Commission ng China, ay naglalabas-masok sa Pilipinas.
Napag-alaman din aniya sa mga awtoridad ng China na ang laboratoryo sa Batangas ay binuo at pinondohan ng isang “kingpin” na nakabase sa Hong Kong.
Konektado rin ang mga naarestong banyaga sa sindikato ng drogang nago-operate sa hangganan ng Thailand, Laos, at Myanmar, ayon sa PDEA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.