Kakai napaiyak sa ‘Dental Diva’ concert; Maymay astig na rapper
ILANG beses napaiyak ang singer-comedienne na si Kakai Bautista sa kanyang “KAKAI XV The Dental Diva 15th Anniversary Concert” nitong weekend sa Music Museum.
Naging emosyonal ang komedyana sa isang segment ng show nang alalahanin ang naging buhay niya noong walang-wala pa sila. Talagang umabot pa raw siya sa point na wala na barya na lang ang nasa bulsa niya.
“Naiiyak ako guys. Naaalala ko pa noon, tumatakbo ako papuntang palengke ng Biñan, Laguna, sampung piso lang ang pera ko sa bulsa pangkain,” ani Kakai habang nagpupunas ng luha. Hirit pa niya, “Ngayon, marami na akong pera pangkain. Ang taba ko na tuloy.” Tawanan ang mga tao.
Isa pang emosyonal na tagpo sa concert ni Kakai ay nang kantahin niya ang dalawa sa mga pinasikat na awitin ni Lea Salonga, ang “Journey” at “Reflection”.
Dito ikinuwento niya ang mga eksena noong naging alalay siya ni Lea, siya raw mismo ang nagpapalit ng damit ng international singer sa backstage kapag may concert ito. Siya rin ang tagabitbit ng mga damit ng singer-actress at talagang grabe rin daw ang dinanas niyang hirap noon.
Samantala, isa sa mga celebrities na nanood sa concert ni Kakai ay ang na-link sa kanya noong hunk actor – si Ahron Villena na leading man na niya ngayon sa kanyang launching movie. Kung matatandaan naging kontrobersyal ang kanilang “love affair” noon na nagresulta pa nga sa pagpapalitan nila ng maaanghang na post sa social media.
Okay na sila ngayon kaya inimbitahan ni Kakai ang binata sa kanyang concert. Nagbiro pa nga ang dalaga habang nagpapalit siya ng costume sa backstage (hawak ang kanyang mic) “Andito ba si Mario (Maurer)?” At nagsigawan nga ang mga tao sa loob ng Music Museum. Naging kaibigan din ni Kakai ang Thai heartthrob dahil nakasama siya noon sa pelikula nito at ni Erich Gonzales na “Suddenly It’s Magic”.
“Huwag nga kayong ano dyan, huwag kayong excited, ano ba kayo? Nandu’n siya sa Thailand, hindi natin pwedeng anu-anuhin. Baka may magselos sa audience (na ang tinutukoy nga ay si Ahron). Char!!! Ha-hahaha!”
Nagsilbing inspirasyon naman ang komedyana sa mga taong nawawalan na ng confidence dahil sa kanilang itsura. Payo ni Kakai, “Para doon sa mga hindi naniniwala sa kanilang kagandahan, kung sino man sila, huwag kayong manini wala sa sinasabi ng iba, ang mahalaga ay ‘eto (itinuro ang mukha).
“We are all unique in our own little way and in our own beautiful way, what ever they say, just smile and look at the mirror, always tell yourself, ‘Oh my God you’re beautiful!’ Ganu’n! Always be proud of who you are!” aniya pa.
Isa pa sa highlight ng 15th annivesary concert ni Kakai ay ang production number nila ni PBB Lucky Season 7 Big Winner Maymay Entrata.
Talagang nagtilian at nagpalakpakan nang bongga ang audience nang pumagitna na sa stage si Maymay. Kinanta nila ni Kakai ang Karencita hit na “Cebuano.” Humanga ang mga manonood dahil sa galing ni Maymay mag-rap.
Mas lalong lumakas ang tilian ng mga tao nang pinapunta ni Kakai sa stage ang ka-loveteam ni Maymay na si Edward Barber. Sweet na sweet ang dalawa habang kinakanta ni Maymay ang “Kabaduyan”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.