ANG mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa buong mundo ay pinaglilingkuran ng pinagsama-samang mga opisyal ng Pilipinas mula sa iba’t-ibang mga departamento ng pamahalaan.
Pinangungunahan ito ng Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, Department of National Defense, Department of Tourism, Department of Social Welfare and Development at marami pang mga attached agencies nito.
Sa loob ng mahigit 20 taon, naging katuwang sa paglilingkod ng Bantay OCW ang ating mga ambassador, consul general, consul hanggang sa ating mga labor attache’, welfare officers at marami pang iba.
“Labatt” ang pinaikling tawag sa labor attache’. Para sa masisipag nating mga Labatt na tunay namang nasaksihan ng Bantay OCW kung paano maglingkod sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng tunay na malasakit sa kanila, tinagurian namin silang mga “Labatt na di na lo-lobatt”.
Pero ang nakalulungkot, tila yata ilan sa mga tinagurian naming Labatt na di nalo-lobatt ang nakasali sa recall order ng DOLE.
Matatandaan noong ipina-recall din mula sa Saudi Arabia si Labatt Resty dela Fuente na sa simula’t-simula pa lamang ng Bantay OCW, isa siya sa mga tinatakan namin na masipag, dedikado at tapat sa kaniyang tungkulin.
Sumunod naman ngayon na pina-recall ang Labatt ng Hongkong na si Labatt Jalilo dela Torre. Gayong ayon kay Secretary Bello ng DOLE, hindi naman parusa ang “recall order kundi bahagi lamang ‘anya ito ng due process dahil may reklamo laban kay Labatt.
Para naman sa Bantay OCW, may nasasagasaan na ilang mga interes ang mga matatapang na Labatt na ito na inirereklamo nila. Dahil sa tagal na pagbabantay namin, kapag may isang tiwaling Labatt, hindi talaga magtatagal ito sa kaniyang puwesto. Mismong mga OFW ang siyang magpapaalis sa kaniya.
Gayong ikinagulat din mismo ni Dela Torre ang nasabing recall order.
Kilala siya sa HK bilang matapang na tagapagtanggol ng ating mga OFW doon. Kaya naman agad na tumayo ang ating mga kababaihang ito upang hilingin sa DOLE na bawiin ang recall order dahil para sa kanila, ito ang opisyal na nagbigay ng katatagan sa kanila na ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa HK.
Nilabanan ni dela Torre ang mapagsamantalang mga recruitment agencies doon. Hindi rin niya inurungan ang mga human traffickers na nambibiktima ng mga Pinay OFW.
Ipinaglaban din niya na hindi dapat maglinis sa mga bintana ang ating mga kababaihan na siyang nagiging dahilan ng pagkahulog ng mga ito mula sa matatas na mga gusali.
Kasabay na rin ng pagsusulong ni dela Torre ng napakaraming mga livelihood programs bilang paghahanda sa ating mga OFW sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Ang nakalulungkot nito, isang human trafficker mula sa Turkey ang nagsabing siya ang dahilan ng pagpapauwi kay dela Torre. Na maaaring totoo, dahil hindi sila inurungan ni dela Torre.
Umaasa tayong isang patas na imbestigasyon ang isasagawa ng DOLE upang sila mismo ang magbigay proteksyon sa kanilang opisyal na maaaring binabalikan lamang o ginagantihan ng mga tao o sindikatong binanatan nito.
Hiyaw ng mga OFW sa Hongkong, “No to Recall Order” at “We Love you Labatt”.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.