MAHIGIT sa 250,000 miyembro ng Social Security System (SSS) ang makikinabang sa Loan Restructuring Program (LRP) na may penalty condonation na iaalok nito simula sa Abril 2 hanggang Oktubre 2, 2018.
Muling ipatutupad ang LRP na magtatanggal sa mga multa ng utang bilang tugon sa malawakang kahilingan ng mga miyembrong may utang sa SSS na hindi nakinabang sa unang LRP na ipinatupad noong Abril 2016 hanggang Abril 2017.
Unang ipinatupad ng SSS ang LRP noong Abril 2016 na tumakbo ng isang taon. Kumita ang pension fund ng halos P6 na bilyon mula sa mahigit 800,000 miyembro na nakinabang sa LRP.
Kahit na marami ang nakinabang na miyembro sa unang implementasyon ng LRP noong 2016, marami pa rin ang humingi na habaan ang pagpapatupad o di kaya ay muling ipatupad ito.
Bumuhos ang mga miyembro sa SSS branch offices na naga-apply sa LRP noong Abril 26, 2017 na huling araw ng application dito.
Kaya naman, para sa mga miyembro na hindi pinalad na makapag-apply ng LRP noong 2016, ito na ang inyong pagkakataon na linisin ang inyong pagkakautang at ibalik ang mabuting katayuan sa SSS.
Sa LRP, pinahihintulutan ang miyembro na bayaran ang principal ng utang na hindi nabayaran kasama ang interes ng isang bayaran lamang o hulugan sa ilalim ng isang restructured term na naaayon sa kapasidad ng miyembro.
Lahat ng 256 SSS branches at service offices sa buong bansa ay magsisimulang tumanggap ng aplikasyon sa LRP simula Abril 2, 2018. Ang mga kwalipikadong miyembro ay mayroon lamang anim na buwan o hanggang Oktubre 2, 2019 para mag-apply sa programa.
Sa LRP, maliban sa buwanang sistema ng pagbabayad, maaari ring bayaran ng buo ng miyembro ang balanse ng kanyang utang pati ang interes. Alinman sa dalawang paraan ng pagbabayad ay aalisin ng SSS ang loan penalties kapag natapos bayaran ng miyembro ang restructured loan.
Maaaring mag-apply sa program ang mga miyembro na may past due loan tulad ng Salary Loan, Emergency Loan, Educational Loan (old), Study Now Pay Later Plan, Voc-Tech Loans, Y2K Loans and Investments Incentive Loan. Dapat ay naninirahan o nagtatrabaho ang miyembro sa lugar na nasalanta ng kalamidad na idineklara ngNational Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o ng National Government.
Pinaalalahanan din ang mga miyembro na mayroong aprubadong loan condonation application noong April 2016 to April 2017 na hindi na sila maaaring mag-apply pang muli sa LRP ngayong taon.
Gayundin, ang mga maaaprubahang aplikante sa LRP ngayong taon ay hindi na rin maaaring mag-apply sa kahit anong LRP o anumang loan condonation program na ipapatupad uli ng SSS para maging responsable sa pagbabayad ng utang ang mga miyembro ng pension fund.
Para makapag-apply sa LRP, kailangan na ang utang ay hindi nabayaran ng anim na buwan mula sa ikalawang pagpapatupad ng LRP. Dapat din na ang miyembro ay naninirahan o nagtatrabaho sa lugar na idineklarang calamity area na mapapatunayan sa pipirmahan niyang Affidavit of Residency na kasama sa aplikasyon sa LRP.
Hindi maaaring mag-apply sa LRO ang miyembro na nabigyan ng final benefit claim tulad ng retirement at total disability bago ipinatupad ang ikalawang LRP. Gayundin, bawal mag-apply sa LRP ang mga mga miyembrong kinasuhan dahil sa panloloko laban sa SSS.
Kahit na maiksing panahon lamang o anim na buwan ipapatupad ang LRP, inaasahan pa na makalikom ng P1.2 bilyon na kita mula sa programa at matatanggal ang halos P2.85 bilyon na multa sa utang ng ating mga miymebro.
Tulong ito samga miyembro upang mabayaran ang kanilang mga obligasyon sa SSS sa mas magaan na paraan para matiyak na pakikinabangan nila ang mga benepisyo sa SSS sa darating na panahon.
SSS President and CEO Emmanuel F Dooc
SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT
(02) 9206401 local 5050, 5052-55, 5058
7th floor SSS Building, East Avenue,
Diliman, Quezon City
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected] or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.