KASAGSAGAN noon ng pagpapadala ng mga construction workers sa Guam nang ipadala din ng bankong pinaglilingkuran niya ang bank manager na si Josie Macapagal.
Naibahagi ni Macapagal ang kanyang buhay-pag-aabroad nang makakuwentuhan namin siya sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM.
Palibhasa’y isang guro rin si Macapagal at may 33 taong nanilbihan sa banko kung kaya’t ginamit niya ang kakayahang makapagturo at maibahagi sa mga OFW ang kahalagahan ng tamang paghawak at pangangasiwa ng kanilang mga salapi lalo pa’t marami sa kanila ang tinaguriang mga first timer noon.
Ayon kay Macapagal, pawang mga ama ng tahanan at mga kalalakihan ang mga manggagawang kanyang nakahalubilo. Pangunahin para sa mga padre de pamilyang ito na alamin ang mga nararapat gawin upang maging masinop sa kanilang mga kinikita.
Naging maagap din si Macapagal sa pagbibigay ng napapanahong mga payo tulad ng paglalagay sa tamang investment at ang pagtitira ng pera para sa kanilang mga sarili.
Ipinaunawa niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ipon o savings upang ihanda sila sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas, anuman ang mangyari.
Bukod dito, madalas ding naging takbuhan si Macapagal ng mga kababayan nating ito hinggil sa kanilang mga problema sa pamilya, asawa at mga anak.
Umakto bilang isang ina, ate o di kaya’y nakatatandang kapatid si Macapagal sa ating mga OFW na hindi naman nagkait ng kaniyang panahon sa pagbibigay ng tunay na malasakit at maibiging mga payo sa ating mga kababayan.
Para sa mga first timer, tinulungan niya ang mga ito hinggil sa mga proseso ng pagbabangko.
Napakahalaga iyon sa bawat OFW dahil kailangan nilang magpadala ng pera sa pamilyang naiwan sa Pilipinas at idadaan nila iyon sa pamamagitan ng bangko.
Malaki ang papel na ginampanan ni Macapagal sa buhay ng ating mga OFW. Wala siyang inaksayang panahon habang nasa ibayong dagat. Pagkatapos ng trabaho sa bangko, nagtuturo naman siya ng wikang Ingles.
Kaya naman, dama niya ang pagsasakripisyo ng mga kababayan natin sa abroad. Ikinalulungkot lamang niya na may mga kaanak pa rin ang ating mga OFW na hindi pinahahalagahan ang mga paghihirap ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa abroad na ang puhunan ay pawis at dugo.
Tinitiis din nila ang labis na kalungkutan dahil sa pagkawalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Pagbalik sa Pilipinas ni Macapagal, kasabay ng pagreretiro niya sa bangko, dala niya ang matinding hangarin na ipagpatuloy ang paglilingkod sa kapwa.
Si Macapagal ay kasalukuyang naglilingkod bilang Chairperson ng Gender and Development at ng mga Senior Citizen sa Barangay San Antonio sa Pasig City. Isinulong din niya ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa tinaguriang mga Iskolar ng Barangay.
Ngayong buwan ng mga kababaihan, paalala ni Macapagal sa mga kapwa niya babae, lalo pa sa ating mga OFW na malakas ang kanilang mga tinig kung magsasama-sama sila tungo sa iisang layunin. Ang gamitin iyon sa mas makabuluhang mga bagay.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.