Morales nanguna sa Stage 9 ng Ronda Pilipinas 2018
IPINAMALAS muli ni two-time defending champion Jan Paul Morales ang husay sa akyatin upang haltakin ang kakampi na si overall leader Ronald Oranza para sa 1-2 finish ng Navy-Standard Insurance sa krusyal na Stage Nine Huwebes na tuluyang nagbigay dito ng titulo ng Ronda Pilipinas 2018.
Ang 25-anyos na si Oranza ay tumapos sa likod ng 32-anyos na si Morales upang kapwa magtala ng limang oras at 47.13 minuto na kumpleto na upang selyuhan ang una nitong titulo sa Ronda at ang P1 milyong premyo.
Matapos ang siyam na yugto at tatlo na lamang na natitira, nakolekta ni Oranza ang kabuuang oras na 26:49:04, na halos pitong minuto pa rin na malayo kay Morales, na 6.52 minutong napag-iiwanan sa kabuuang oras nito na 26:55:56.
Si Morales, na naging kampeon sa nakalipas na dalawang edisyon, ay nauna nang hinayaan ang titulo sa kanyang mas nakababatang kakampi.
“Masaya ako na makatapos na ikalawa kasunod sa kakampi ko. Siguro panahon na rin para sa kanya,” sabi ni Morales ukol kay Oranza.
Nanatili naman si Oranza na maingat at hindi makapagselebra hanggang hindi natatapos ang karera.
“Kung para sa akin ‘yun ikokonsidera ko na blessing ‘yun. Pero may tatlong stage pa na natitira at hindi pa tapos ang karera kaya hindi pa ako pwedeng magdiwang,” sabi ni Oranza, na mula sa Villasis, Pangasinan.
Ang pagdomina at impresibong panalo nina Morales at Oranza sa tinagurian ng mga race official na “killer stage” dahil sa mahirap na bulubunduking daan sa Kaybiang Tunnel na nagkokonekta sa Ternate, Cavite at Nasugbu, Batangas, at Leynes sa Talisay ang tanging hamon sa nasabing yugto.
Ikatlo si George Oconer ng Go for Gold (5:48:23) upang tumalon sa ikaanim sa overall individual race isang araw bago ang karera tungo sa No. 3 (27:09:11) at maungusan sina Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team, Cris Joven ng Army-Bicycology at John Mark Camingao ng Navy.
Ang 20-anyos na si Lampawog ay kinapos sa akyatin at nahulog mula sa No. 3 patungo sa No. 8 overall (27:17:03). Umangat si Camingao sa No. 4 mula sa No. 5 (27:10:09) habang si Joven ay nahulog mula sa No. 4 patungo sa No. 5 (5:52:20).
Nasa Top 10 naman sina Navymen Junrey Navarra (27:14:53) at El Joshua Carino (27:16:11), Boots Ryan Cayubit ng Go for Gold (27:19:03) at Rudy Roque ng Navy (27:20:53).
Nanatili sa liderato ang Navymen sa Team race sa 105:36:38, o mahigit na isang oras na mabilis kumpara sa Army-Bicycology na umakyat sa No. 2 sa 106:47:43. Nahulog naman ang Go for Gold Developmental team sa No. 3 (106:59:19).
Ang mga susunod na yugto ng Ronda ay ang mga bulubunduking akyatin na 147.8km Tagaytay-Calaca Stage 10 Biyernes at 92.72km Calaca-Calaca Stage 11 Sabado.
Ang karera ay hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.