Ending ng La Luna Sangre bitin; kulang sa maaksyong sagupaan ng mga lobo at bamira
TRENDING worldwide ang pagtatapos ng La Luna Sangre last Friday. Talagang inaba-ngan ito hindi lamang ng mga taga-Pilipinas kundi pati na rin ng mga kababayan natin sa ibang bansa.
Tiyak na nagbunyi ang KathNiel supporters dahil buhay sa ending sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo at walang namatay tulad ng naging ending ng Lobo at Imortal kung saan pinatay sina Noah (Piolo Pascual) at Mateo (John Lloyd Cruz).
Maliwanag na pinagbigyan ng production team ang gustong ending ng mga supporters nina Daniel at Kathryn.
Anyway, bukod sa buhay ang dalawang bida, tila nakulangan din ang mga manonood sa pagtatapos ng LLS dahil nag-expect ang lahat ng madugong sagupaan sa pa-gitan ng mga lobo at bampira na ang ending ay nagkaayos-ayos din.
Bukod tanging si Sandrino/Supremo (Richard Gutierrez) ang namatay dahil nga kontrabida ito, alangan namang buhayin pa siya. Pero may redeeming factor naman sa huli dahil humingi siya ng tawad sa kapatid niyang si Tristan.
Ang komento ng mga nabitin sa bakbakan nina Sandrino, Tristan at Malia, “Bitin naman ang ending, walang spark. Hindi katulad noon nina Lia at Mateo? Walang masyadong ganap naging red lang mga mata nila.”
Pagtatanggol namin, pagod na ang lahat kaya hindi na tumodo sa ending saka hand-to-mouth ang taping, mas okay na ‘yung ganu’n ang ending kaysa ipinilit pa ang maraming aksyon dahil baka hindi na kayanin.
“Ah ganu’n ba? Masyado lang kaming nag-expect,” sagot naman sa amin ng nakapanood sa pagtatapos ng LLS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.