Ikatlong titulo puntirya ni Morales sa Ronda Pilipinas 2018 | Bandera

Ikatlong titulo puntirya ni Morales sa Ronda Pilipinas 2018

Angelito Oredo - March 03, 2018 - 12:02 AM

SISIMULAN ni Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance ang kampanya sa makasaysayang ikatlong sunod na titulo sa pagsagupa nito sa hamon ng matinding mga karibal sa pamumuno ng ilang dating kampeon tulad nina Santy Barnachea ng Team Franzia at Irish Valenzuela ng CCN Superteam sa pagsikad ngayong umaga ng Ronda Pilipinas 2018 sa Vigan City, Ilocos Sur.

Dinomina ng 32-anyos na si Morales ang nakaraang dalawang edisyon upang tangkain ngayon ang ikatlong sunod na korona na maglalagay dito sa pedestal bilang may pinakamaraming titulo sa kasaysayan ng pinakamalaking cycling race sa bansa.

“Medyo mahirap ang labanan ngayon at hindi ko magarantiya pero gagawin ko ang buong makakaya ko para maiuwi uli ang titulo ngayong taon,” sabi ni Morales.

Aminado mismo si Morales na hindi magiging madali ang labanan dahil makakasagupa nito ang pinakamatinding kalahok sa kasaysayan ng karera na kinabibilangan ng mga dating kampeon na sina Barnachea at Valenzuela at ang naghahangad sa una nitong korona na si George Oconer ng kinukunsidera sa team title na Go for Gold.

Ang 42-anyos na si Barnachea, na inuwi ang pinakaunang titulo at inulit noong 2015 ay nagbabalik matapos ang dalawang taong pamamahinga para sa asam na ikatlong korona habang si Valenzuela, na nagwagi noong 2012, ay magtatangka muli na marating ang tugatog ng tagumpay matapos mawala sa loob ng dalawang edisyon.

Nagbabalik din si Oconer, na kasali na sa karera sapul na simulan may walong taon na ang nakalipas at isa sa mga contender matapos na pumangalawa noong 2015, na hindi makasali noong nakaraang taon dahil sa pagsabak nito para sa paglahok sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa paghahangad sa una nitong titulo.

Kinukunsidera mismo ni Morales ang batang si Oconer na pinakamatinding tinik sa kanyang three-peat bid sa karera na hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Cycling, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
“Oconer,” sabi lamang ni Morales matapos tanungin sa pinakamatindi nitong kalaban.

Inaasahang hahamon din para sa titulo sina Navy-Standard rider Rudy Roque, na tumapos na ikalawa noong nakaraang taon, at si Ronald Oranza, Cris Joven ng Army-Bicycology, na ikatlo noong 2017 third, Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme at Ronnel Hualda ng Go for Gold Developmental team.

Sisimulan ang 2018 edisyon ng 40-kilometrong Stage One criterium ganap na alas-8 ng umaga na iikot lamang sa dinarayo na cobblestone street ng Calle Crisologo at iikot sa Quezon Avenue, A. Reyes at Delos Reyes.

Sunod na tatahakin ng Ronda ang 155.4km na Vigan-Pagudpud Stage Two Linggo bago ang pinakamahaba nitong lakbayin na 223.5km Pagudpud-Tuguegarao Stage Three sa Lunes at ang 135.2km Tuguegarao-Isabela Stage Four sa Martes.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Isang araw magpapahinga ang karera sa Marso 7 at magbabalik sa 179.4km Isabela-Nueva Ecija Stage Five sa Marso 8 kasunod ang 111.8km Nueva Ecija-Tarlac Stage Six sa Marso 9 at ang kinagigiliwan na 31.5km Individual Time Trial Stage Seven at 42.14km Team Time Trial Stage Eight na kapwa gagawin sa Tarlac sa Marso 10 at 11.

Kukumpletuhin ang karera sa 207.2km Silang-Batangas-Tagaytay Stage Nine sa Marso 15 bago ang 147.8km Tagaytay-Calaca Stage 10 sa Marso 16, ang 92.72km Calaca-Calaca Stage 11 sa Marso 17 at ang panghuli na 50km Filinvest Alabang criterium Stage 12 sa Marso 18.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending