Maymay kay Edward: Masaya ako dahil hanggang ngayon nandito pa rin siya sa tabi ko!
GRABE! Talagang ibang klaseng sumuporta sa kanilang idolo ang mga MayWard fans.
Sila ang dahilan kung bakit naging matagumpay ang first major solo concert ng PBB Lucky Season 7 Big Winner na si Maymay Entrata, ang “The Dream” na ginanap sa KIA Theater last Friday.
“Sobrang worth it po talaga dahil hindi ko akalain na mapasaya ko talaga sila. Tsaka binigay ko talaga buong buhay ko, buong espiritu ko, iba’t ibang espiritu binigay ko na lahat.
“Though baguhan pa ako, masaya ako na naging komportable ako sa mga taong sumuporta, kasi nararamdaman ko ‘yung pagmamahal nila sa akin, ‘yung umaapaw na pagmamahal at suporta. Yun po, blessed po at tsaka hopefully talagang na-inspire sila sa concert ko,” ang pahayag ni Maymay sa panayam ng ilang reporter.
Inamin ng dalaga na matinding kaba at pressure ang naramdaman niya bago ang concert. Ngunit nang makita na niya ang kanyang fans at ng MayWard supporters na masayang-masaya, agad ding nawala ang kanyang pangamba.
“Para sa akin noong nandoon na ako sa stage, nag-enjoy na ako dahil nakita kong nag-e-enjoy na rin sila, basta ginawa ko lahat ng best ko para mapaligaya sila at masulit ang effort nila sa pagpunta sa concert,” aniya.
Para sa kanya, ano ang pinakamahirap na bahagi ng naging preparasyon nila sa concert, “’Yung sa rehearsal pinakanahirapan ako ‘yung lift namin ni Edward (Barber), makukuha ba namin? Pero buti na lang po dahil pinraktis namin ‘yun nang bonggang-bongga at tsaka ‘yung ‘I am the Best,’ ‘yung Korean song.”
Siyempre, abot-langit din ang pasasalamat ni Maymay kay Edward dahil sa 100% na pagsuporta ng kanyang ka-loveteam.
“Ano po masaya ako kasi since PBB pa kasi kasama ko na siya. Pareho kami na sinusuportahan ang isa’t isa sa lahat ng mga pagsubok na dumating sa amin sa showbiz at masaya ako na hanggang ngayon nandito siya sa tabi ko, sinuportahan niya ako.
“At noong time din na nahihirapan na ako na halos sasabog na ang puso ko, siya ‘yung parating nagre-remind sa akin, sabi niya, it’s God’s plan nga raw. Then have faith, kaya masaya ako na parati po siyang nandiyan at hindi po magiging successful, na ganito kasaya, ganito ka-enjoy kung wala po siya,” chika pa ni Maymay.
Isa sa mga eksenang hinding-hindi malilimutan ng MayWard fans sa nasabing concert ay ang nakakakilig na dance number nina Maymay at Edward with the song “Ikaw” kung saan nagyakap sila at halos maghalikan na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.