Donnie Nietes nagtala ng knockout win sa USA | Bandera

Donnie Nietes nagtala ng knockout win sa USA

Melvin Sarangay - , February 25, 2018 - 10:00 PM

NAIPAGPATULOY ng longest reigning Filipino world champion na si Donnie Nietes ang kanyang paghahari matapos pabagsakin si Juan Carlos Reveco ng Argentina para mapanatili ang hawak niyang International Boxing Federation (IBF) flyweight title kahapon sa The Forum sa Inglewood, California, USA.

Pinaulanan ni Nietes ng mga suntok sa katawan at mukha si Reveco na nagpatumba rito. Nagawang makabangon ng Argentine boxer subalit halatang grogi pa ito na nagtulak sa referee na tuluyang itigil ang laban sa 53 segundo ng ikapitong round.

Ang 35-anyos na si Nietes, na umangat sa 41-1-4 win-loss-draw record na nilakipan niya ng 23 knockout, ay naging world champion magmula ng mapanalunan ang World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown matapos makaiskor ng unanimous decision win laban kay Pornsawan Porpramook ng Thailand noong Setyembre 30, 2007.

Si Nietes ay naging WBO minimumweight champion noong 2007-2010.

Naging WBO light flyweight king naman si Nietes matapos talunin sa pamamagitan ng unanimous decision si Ramon Garcia Hirales ng Mexico noong Oktubre 10, 2011.

Naghari siya sa WBO light flyweight division noong 2011-2016.

Tinalo naman ni Nietes si Komgrich Nantapech ng Thailand sa pamamagitan ng unanimous decision sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City upang madaklot ang bakanteng IBF flyweight title noong Abril 29, 2017.

Naputol naman ang three-fight winning streak ng 34-anyos na si Reveco matapos malasap ang ikaapat na pagkatalo sa kanyang boxing career. May record siyang 39-4 at 19 knockout.

Samantala, hindi naman pinalad ang Filipino-American na si Brian Viloria matapos mabigo kay Ukrainian Artem Dalakian sa pamamagitan ng unanimous decision sa laban nila para sa bakanteng World Boxing Association (WBA) flyweight championship.

Nagpakita ng dominanteng paglalaro ang Ukrainian para makuha ang suporta ng tatlong judge na umiskor ng 118-109 pabor sa kanya.

Maagang niyanig ng mga suntok ng katunggali si Viloria sa unang dalawang round bago nakabawi sa sumunod na tatlong round. Nagawang makipagsabayan ni Viloria kay Dalakian sa ikapito at ikawalong round kung saan bumitaw ito ng mga solidong suntok.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Subalit hindi na ito nasundan ni Viloria matapos na bumitaw si Dalakian ng matinding hook na yumanig sa kanya sa ikasiyam na round.

Duguan din ang tinaguriang “The Hawaiian Punch” sa 11th round matapos masiko sa ulo.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending