Quiboloy ikinulong sa Hawaii, $350K, bahagi ng baril natagpuan sa pribadong eroplano
INAKYAT ng mga ahente ng Customs at Border Enforcement sa Hawaii noong Pebrero 13 ang isang pribadong Cessna Citation Sovereign na papuntang Pilipinas na sakay si Apollo Quiboloy, head ng Philippine mega church Kingdom of Christ (KJC) kung saan natagpuan ang $350,000 cash at mga bahagi ng military-style rifle.
Kasama ni Quiboloy ang anim na iba pa, bagamat isa lamang ang inaresto. Malapit na kaibigan si Quiboloy ni Pangulong Duterte.
Kasama sa eroplano si Felina Salinas, 47, ng Makakilo, Hawaii, na isang U.S. citizen. Tanging si Salinas ang inaresto matapos niyang akuin na kanya ang maleta na may pera.
Nakalagay sa loob ng mga medyas ang tig- $100 bills na nasa maleta, ayon sa HawaiiNewsNow.com.
Batay sa federal law, dapat ideklara kung ang ilalabas na pera ay mahigit $10,000.
Idineklara lamang ni Salinas ang $40,000 sa $350,000 na natagpuan ng mga otoridad.
Kinasuhan si Salinas ng attempted bulk cash smuggling. Pinakawalan siya matapos maglagak ng $25,000 piyansa.
Ikinulong si Quiboloy ng isang araw at bumalik ng Pilipinas matapos sumakay sa isang commercial flight. Nasa Hawaii umano siya para sa isang concert.
Naiwan naman ang pribadong eroplano sa Honolulu. Nagkakahalaga ito ng $15 milyon.
Pinapagamit ni Quiboloy kay Duterte ang kanyang mga pribadong eroplano.
Sinasabing aabot sa anim na milyon ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ. Ito ay may maliit na tindahan sa Waipahu, na pinapatakbo ni Salinas, ayon sa ulat ng HawaiiNewsNow.com
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.