Yasmien Kurdi kinarir ang pagiging AIDS victim; Gina Alajar kasumpa-sumpa
HIV-AIDSerye! Yan ang tawag sa bagong afternoon serye ng GMA na Hindi Ko Kayang Iwan Ka na pinagbibidahan nina Yasmien Kurdi, Jackie Rice at Mike Tan.
Isa itong advoca-serye na tatalakay sa kuwento ni Thea, isang asawa at ina na magkakaroon ng HIV na gagampanan nga ni Yasmien. Para maging makatotohanan ang takbo ng istorya, talagang naghanap pa ng case study ang mga researcher ng GMA ng production para maging detalyado ang bawat eksena sa serye.
Kuwento ni Yas, nakilala nila nang personal ang babaeng may AIDS, “Yes, meron din siyang asawa’t dalawang anak. At kasal pa rin sila ng husband niya until now. Perfect timing ang pagpapalabas ng teleserye namin dahil nga lalo pang tumataas ang mga Filipino na may HIV/AIDS.”
“This will help everybody, may AIDS man o wala para mas maging aware ang mga kababayan natin. Dito rin nila malalaman kung paano ba talaga maiiwasan ang HIV. At kung meron ka na, marami silang matututunan sa show.
“Yes, hindi siya maku-cure pero tuturuan sila kung paano aalagaan ang katawan nila at hindi ka dapat ma-depress. Dapat talaga ask for help, lalo na sa family mo,” paliwanag ni Yasmien na ang sexy-sexy ngayon.
In fairness, talagang kinarir ni Yasmine ang pagre-research tungkol sa AIDS, um-attend pa siya ng seminar sa Philippine National AIDS Council (PNAC) para makasalamuha ang mga taong may HIV. Kahit ang katambal niya sa serye na si Mike Tan ay talagang nag-effort para magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa AIDS.
First time magkakasama sa isang serye sina Yas at Mike pero hindi na sila masyadong nahirapan sa mabibigat na eksen sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka dahil matagal na silang magkaibigan. Ang isa pang challenge kay Yasmien sa serye ay ang mga eksena nila ng veteran actress-director na si Gina Alajar.
Sa trailer pa lang ay puro pananakit na ang inabot ni Yasmien kay Gina, na gaganap na matapobre, dominante at kasumpa-sumpang ina ni Mike Tan. Magsisimula na ito sa Feb. 26 sa GMA Afternoon Prime sa direksyon ni Neal del Rosario.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.